Ang ‘snow’ na padala ng Diyos
KARAMIHAN sa aking mga dinadasal ay hindi kaagad natutugunan ng Diyos. Pero ugali kong kulitin ang Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ng ilang beses sa buong maghapon araw-araw. Nakukulili na siguro ang tenga ng Diyos sa akin kaya pinagbibigyan ako.
Kung noon ay 10 taon ang hinintay ko para makamit ang “quiet neighborhood” na hinihiling ko sa aking dasal, may mga pagkakataon namang isang araw lang ay heto na ang sagot ng Diyos sa aking panalangin. Nangyari ito noong nagbabakasyon kami sa Japan. Naglalakad kami nang biglang sumakit ang aking alak-alakan. Kapag ibinaluktot ko ito para makahakbang ay nagdudulot ito ng sobrang sakit. Tila may naipit na ugat na kapag inihakbang ko ay tila hinahatak ang aking kalamnan. Ito ‘yung sakit na mapapangiwi ka. Bigla ang pagsakit. Wala man lang paunang sintomas na sasakit. Parang kidlat, bigla ang pagdating ng sakit. Buti na lang at nasa tabi kami ng kalsada at malapit na sa tren na aming sasakyan pabalik sa hotel. Nakarating kami sa hotel na paika-ika ang aking paglakad.
Kapag nasa bakasyon sa ibang bansa, bawat araw ay may naka-schedule na activity. Walang araw na dapat sayangin. Dapat ay magamit iyon sa pamamasyal. Kinabukasan ay nagpasya kaming mag-asawa na magpahinga sa hotel. Nananakit pa rin ang alak-alakan ko. Masakit pa rin kapag lumalakad ako. Mga anak ko na lang ang lumabas. Maghapon akong nagdasal. Hiniling ko ang agarang paggaling dahil nakakahinayang na ang pagbabakasyon namin ay mauuwi lang sa pagtigil sa hotel.
Bukod sa paggaling, hiniling ko rin na bigyan ako ng sign kung itutuloy pa namin ang pagpunta sa ski resort sa mga susunod na araw. Bundok na nababalot ng snow iyon kaya siguradong mas malamig pa sa kinaroroonan ng aming hotel sa Shibuya. Pangarap kong makakita ng snow. Nag-aalala ako na baka lalong sumakit ang aking paa sa mas malamig na lugar. Napakalayo ng lugar na iyon at nakakapag-alaala kung doon ako aabutin ng pananakit ng paa. Nagdarasal ako habang nakaharap sa bintana ng hotel. Napatingin kasi ako sa kalangitan dahil umaambon. Noon ay 4 o’clock ng umaga. Ewan ko kung bakit biglang nasambit ko ang mga bagay na ito: “Lord, sana ay umulan ng snow ngayon bilang sign na gagaling ako at okey lang na ituloy namin ang pagpunta sa ski resort.”
Pagkaraan ng ilang minuto, napansin kong ang ambon ay napalitan ng pagpatak ng maliliit na “something white”. Para itong maliliit na feathers na nakalutang sa hangin. Kitang-kita ang mga “white” na iyon dahil madilim pa ang langit. Later on, nalaman kong “sleet” pala ang tawag sa ulan na nasaksihan ko: ito ay snow habang nasa atmosphere pero pagpatak sa lupa, tubig na lang ito. Nasa 15th floor kami kaya snow ang nakita ko. Bihirang-bihira na mag-snow sa Shibuya pero nag-snow ng umagang iyon.
Isang araw lang sumakit ang aking alak-alakan. Kinabukasan ay magaling na ako. Kagaya ng dapat asahan, naranasan kong maglakad, magpaulan, damhin ng aking mga palad ang snow at mag-slide sa ibabaw ng snow. Walang pagsidlan ang aking kasiyahan sa karanasang iyon. Ipinagkaloob ng Diyos na sulitin ko ang aking bakasyon. Kapag emergency pala, agad na tinutugunan ng Diyos ang aking panalangin. Ngayon, ang ipinagdadasal ko ay matapos na ang krisis na kinakaharap ng buong mundo. Naniniwala akong tutugunan agad ito ng Diyos. Amen.
- Latest