EDITORYAL - Maraming walang kubeta
SA report ng Department of Health (DOH), sa kabuuang 42,045 barangays sa buong bansa, 4,625 lamang ang mayroong sariling kubeta. Marami pa rin ang dumudumi sa kung saan-saan lang. May dumudumi sa ilog, sapa at mga lugar na nakalantad sa kabahayan. May mga dumudumi sa mismong lugar kung saan nakatayo ang kanilang barung-barong.
Sa isa pang report noong 2017 ng Philippine National Demographic and Health Survey, napag-alaman na 4.5 percent ng mga Pilipino ay walang sariling kubeta at wala nang balak gumawa nito. Ang nakasanayan na pagdumi sa kung saan-saan ay nagpapatuloy. Mayroon din namang may kubeta pero hindi improved kaya para na ring dumumi sa open na lugar.
Ayon pa sa DOH, marami sa mga Pinoy ang nakakabili ng cell phone subalit ang magpagawa ng kubeta ay hindi magawa. Mayroon umanong inidoro na nagkakahalaga lamang P1,200 o mas mababa pa pero hindi makabili. Pero ang P1,600 na cell phone ay napakabilis nilang bilhin. Dapat mas unahin na bilhin ang inidoro sapagkat mahalaga ito sa araw-araw na pamumuhay. Kapag may maayos na kubeta, maiiwasan ang pagkakasakit. Ang pagdumi sa kung saan-saan ang nagdudulot ng iba’t ibang uri ng sakit.
Ang pagkalat ng mga sakit na gaya ng polio, cholera, diarrhea, typhoid fever, hepatitis A ay nakukuha sa dumi ng tao. Dahil sa kung saan-saan lamang dumudumi, nayayapakan ito at naisasalin ang mikrobyo. Naisusubo ng mga bata at dito na nag-uumpisa ang sakit. Mayroong naisasalin dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig.
Ang pagkalat ng polio ay itinuturo sa maruming kapaligiran. Noong nakaraang Setyembre, sinuri ang tubig sa mga estero at pati sa Pasig River at napatuna-yang may polio virus. Ilang kaso ng polio sa bansa ang lumutang. Nagsagawa ng pagbabakuna sa mga bata sa buong bansa para masawata ang pagkalat ng polio.
Kalinisan sa kapaligiran ang susi para hindi kumalat ang sakit. Ang pagkakaroon ng sariling kubeta ang nararapat. Kung nakakayang bumili ng cell phone at iba pang gadgets, sana matutuhan ding bumili ng inidoro. Dapat itong iprayoridad sapagkat ang kalusugan ang nakasalalay.
- Latest