EDITORYAL - Trapik sa Metro Manila, pinakamalala sa mundo
ARAW-ARAW bilyong piso ang nasasayang dahil sa trapik. Kahapon, naranasan na naman ang grabeng trapik sa Metro Manila dahil sa dagsa ng mga motorista na galing sa probinsiya na dumalaw sa kanilang mga yumao. Inaasahang bibigat pa ang trapik ngayong papalapit na ang Pasko dahil sa pagsa-shopping. Halos sa trapik na lamang nauubos ang oras.
Ayon sa traffic navigation software application company na Waze, ang 1 kilometro sa Pilipinas ay inaabot ng halos 5 minutong paglalakbay at pinaka-worst ito sa buong mundo. Sa Bogota, Colombia, ang 1 kilometro ay tina-travel ng 4 na minuto; sa Jakarta, Indonesia, 3.83 minuto; Sau Paolo, Brazil, 2.43 minuto at sa Tel Aviv, Israel, 2.38 minuto.
Numero uno sa trapik ang Metro Manila at aminado rito ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Talaga raw napaka-congested na ng mga kalsada sa Metro Manila partikular na ang EDSA na usad pagong ang trapik. Ayon pa sa MMDA, mas titindi pa ang trapik sa MM ngayong papalapit na ang Pasko. Maaaring wala na talagang galawan ang mga sasakyan at abutin na ng madaling araw sa kalye ang mga commuter.
Maraming naiisip na paraan para malutas ang trapik lalo sa EDSA. May panukala na maglagay ng tunnel o kaya’y elevated expressway. Subalit marami ang bumabatikos sapagkat gagastos nang malaki at maaaring magtrapik din habang ginagawa ito. May nagpayo na ibawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA sa rush hour pero marami rin ang umalma. Ipinanukalang ibawal ang provincial buses pero tinutulan naman ng korte.
Masyadong marami na ang sasakyan sa MM subalit wala namang nadadagdag na kalsada. Dahilan din ng trapik ang mga walang disiplinang motorista. Nakapagdudulot din ng trapik ang mga paghuhukay o reblocking at ang mga nakatiwangwang na proyekto. Nakikita rin ang kabagalan ng construction ng skyway.
Mas mainam kung pabibilisin ang construction ng mga alternatibong kalsada at buhusan ng pondo ang modernisasyon ng rail system. Isaayos ang LRT, MRT at ang Philippine National Railways (PNR) dahil ito ang kailangan ng mamamayan para mabilis na makarating sa trabaho o eskuwelahan.
- Latest