Nag-siesta’t ‘Boracay pose’ sa day-off, sibak ang inabot!
SINGKUWENTA porsiyento ng mga sumbong na dumara-ting sa BITAG Action Center, may kinalaman sa labor. Hindi tamang pasahod, ‘di pagbibigay ng mga benepisyo at pagsibak ng walang anumang dahilan o tamang proseso.
Araw-araw, hindi nawawala ang ganitong sumbong. Sa kabila ng aktibong pagpapatupad ng batas ng Department of Labor and Employment para proteksiyunan ang mga manggagawa, marami pa rin ang lumalabag.
Gusto kong tawagan ng pansin sa kolum na ito ang Padilla Reefervan Corporation. Sinubukan kasing makipag-ugnayan ng BITAG sa kompanyang ito para linawin ang sumbong laban sa kanila, pawang kumuyos ang mga bombolyas.
Simple lang ang sumbong ng kanilang dating pahinante, sinibak nitong kompanyang ito dahil sa kanyang “Boracay Pose.” Walang anumang memo o termination letter sa pobre, basta nilarga agad.
Ayon sa nagrereklamo, kinuhaan daw kasi siya ng litrato ng isang kasamahan habang natutulog sa gilid ng truck sa loob ng warehouse compound. Umamin siyang naghapi-hapi’t nakainom pero day-off naman daw niya noong araw na iyon.
Nang makarating sa employer nila ang kanyang “Boracay pose” na kamay sa likod ng ulo with matching de-quatrong pagkakatulog, nagalit at sinibak siya. Nilabag daw kasi niya ang polisiyang “no drinking of alcohol.”
Nakukulangan ako sa sapat na dahilan kung bakit sinibak ang pahinante. Isang panig pa lang ang narinig ko kaya sinubukan kong tawagan itong Padilla Reefervan Corporation para malinawan.
Eh kaso mo, hindi ko maintindihan kung sa sobrang takot dahil aminadong mali ang kanilang ginawa o takot na makipag-usap sa BITAG kaya ayaw magsisagot.
Mapapaisip tuloy akong tuwad lang ang kukote kung sinuman ang nagdesisyong sibakin ang nagrereklamo. Paano naman, walang proseso, walang memo o kahit anong dokumentong nagsasabi ng paglabag ng kanilang pahinante.
Ni hindi rin nagkaroon ng imbestigasyon kung sino ang kumuha ng litrato o tinanong man lang ang pahinante sa mga detalye ng kanyang “Boracay pose” na litrato.
Kaya tuloy payo ni Ms. Belen Nicasio, Head ng SEnA (Single Entry Approach) sa NLRC (National Labor Relations Commusion), magpunta na sa kanyang tanggapan ang pahinante.
Oras na makapagsampa siya ng pormal na reklamo sa NLRC, ipatatawag ang kumpanya para magpaliwanag sa ginawang unjust termination sa pobre.
Padilla Reefervan Corporation, bukas ang tanggapan ko. Maaari kayong magpapunta ng representante para sagutin ang sumbong.
Hindi anti-business ang BITAG, hindi namin trabahong magpasara ng mga negosyo. Patas tayo rito sa Pambansang Sumbungan kaya suwerteng may pagkakataon kayong marinig ang panig at malinis ang pangalan ng inyong kompanya.
- Latest