Ang mga gansa kung umibig…
PITONG taon na si Crinkly, ang lalaking gansa, sa bird sanctuary ng Gloucester, UK. Ayon sa mga caregivers ng mga ibon sa sanctuary, ang ganoong edad ng gansa ay dapat na may partner na. Pero sawing palad si Crinkly, ayaw sa kanya ng mga babaeng gansa. Obserbasyon ng mga caregivers, tumatakbo ang mga babae palayo kay Crinkly sa tuwing ito ay lalapit upang “manligaw”.
Ipinanganak si Crinkly sa Russia na may kapansanan ang leeg. Malaki na ito nang dalhin sa Gloucester sanctuary. Pilipit man ang leeg, masigla naman si Crinkly at natutuhan niyang mabuhay sa ganoong kalagayan. Ang mga babaeng gansa pala ay walang ipinagkaiba sa mga tao, “choosy” rin sila sa pagpili ng magiging asawa.
Pero isang araw ay natuwa ang mga caregivers, nakita nila na may namumuong pagmamahalan kay Crinkly at Taciturn, ang tanging babaeng gansa na hindi tumatakbo palayo sa tuwing lalapitan ito ni Crinkly. Habang lumilipas ang mga araw ay naging madalas na ang pagsasama ng dalawa. Lagi silang sabay lumilipad. Mga palatandaan na tinanggap na ni Taciturn si Crinkly na maging asawa for life.
Ayon sa Wikipedia, ang gansa ay simbolo ng tapat na pag-ibig dahil iisa lang ang kanilang “mate” habang buhay. At kapag namatay daw ang isa, magiging malulungkutin ang “nabiyuda o nabiyudo” at sa madaling panahon ay namamatay sila dahil sa kalungkutan. Dito nagmula ang tinatawag nilang Swan Love.
Lahat ng tao ay naghahangad ng Swan Love. Pero hindi naman tayo gansa. Kumplikado ang mundong “nilalanguyan” natin. Maraming tukso ang nakapaligid. Ang mga kabit, mang-aagaw, mang-aahas, anaconda ay tila mababangis na hayop na naghihintay lang ng tiyempo upang makapang-agaw ng “asawa ng iba”.
“Cheating on a good person is like throwing away a diamond and picking up a rock”
- Latest