Tsismis
ISANG reporter ang nagkalat na nagpalaglag daw ang isang sweet young actress na isang menor-de-edad. Sa sobrang galit ng mga magulang, idinemanda nila ang reporter. Nag-viral ang tsismis sa social media kaya kahit walang katotohanan ang balita, nagkaroon na ng lamat ang magandang reputasyon ng young actress.
Sa korte, ang depensa ng reporter ay comment lang daw niya ‘yung kanyang naisulat tungkol sa actress at patanong pa nga raw ang pagkakasulat niya sa titulo ng balita: “Nagpalaglag ba si Sweet Honey?”.
“Your honor, kung may malisya ako, sana ay nag-blind item ako,” dagdag pang katwiran ng reporter
Inutusan ng judge ang reporter: Narito ang papel, ballpen at gunting. Isulat mo ulit sa papel ang lahat ng sinabi mo tungkol kay Sweet Honey. Pagkasulat mo, ito ay iyong gupitin. Paglabas mo sa building na ito ay isa-isa mong ikalat sa iyong dadaanan ang mga ginupit mo. Magkita ulit tayo bukas dito.
Kinabukasan, ang sabi ng judge sa reporter: “Bago ko ibigay ang aking hatol, lumabas ka ng building, at pulutin mo ang mga papel na itinapon mo kahapon at ibalik mo sa akin.”
“Your honor, imposibleng mangyari iyon. Ikinalat na ito ng hangin at hindi ko alam kung saan napunta ang mga iyon.”
Ang sagot ng judge: Kagaya ng “comment” mo kay Sweet Honey na nakasira sa kanyang reputasyon. Hindi na magagamot ang lamat na idinulot ng iyong mapanalantang comment kahit pa isang milyong public apologies ang gawin mo. Maging aral ito sa iyong trabaho bilang reporter, kung wala kang magandang isusulat tungkol sa iyong kapwa, mabuti pang manahimik ka na lang.
Words have no wings but they can fly a thousand miles. --Unknown
- Latest