EDITORYAL - Kaawa-awa ang Pinay DHs sa Kuwait
HIHINTAYIN pa ba ng pamahalaan na mayroon na namang gahasain at patayin na Pinay domestic helpers sa Kuwait? Dapat nang magpasya ang gobyerno ng Pilipinas para sa permanenteng pagpapadala ng Pinay DHs doon. Sobra na ang ginagawang pang-aabuso ng mga Kuwaiti sa mga Pinay workers. Ginagawa ang pagmamaltrato, panggagahasa at pagpatay kahit may nilagdaang kasunduan ang Kuwait na puproteksiyunan ang OFWs doon.
Hindi pa nahuhuli at napaparusahan ang among pumatay sa DH na si Constancia Dayag noong Mayo 14, meron na namang bagong biktima ang mga Kuwaiti. Isang Pinay DH na katutuntong lamang sa Kuwait ang ginahasa ng isang pulis. Nagpatulong umano ang Pinay sa pulis habang nasa airport dahil kararating lamang nito at hindi alam ang gagawin. Pero sa halip na tulungan, dinala ito sa disyertong lugar at ginahasa. Ayon sa huling report, nahuli na umano ang pulis.
Patuloy namang naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng pinatay na si Dayag. Hanggang ngayon, mahigit isang buwan na ang nakararaan, wala pang balita sa krimen. Wala pang malinaw na balita kung umuusad ang kaso laban sa employer ni Dayag, na ayon sa report ay may kagagawan sa krimen. Isinugod sa ospital ang 47-anyos na si Dayag, na puro bugbog ang katawan ay may nakapasak na pipino (cucumber) sa ari nito.
Noong nakaraang taon, pinatay din ng kanyang amo si Joanna Demafelis. Natagpuan ang bangkay ni Demafelis sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait. Pinatay siya sa sakal ng mga amo nitong Lebanese. Dahil sa pangyayari, agad ipinag-utos ni President Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE) na itigil ang pagpapadala ng domestic helper sa Kuwait.
Nahuli ang mga pumatay at nangako ang Kuwait sa Pilipinas na puproteksiyunan ang mga OFW doon. Lumagda ang Kuwait sa kasunduan. Hindi na raw mauulit ang mga pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait. Dahil sa paglagda ng Kuwait, inalis ng Pilipinas ang deployment ban.
Pero eto nga at may nangyari na namang panggagahasa at pagpatay. Nasaan ang pangako ng Kuwait? Kailangang magpasya na si President Duterte nang total ban sa pagpapadala ng DHs sa Kuwait. Huwag nang hintayin pa na mayroong magahasa at mapatay na Pinay. Kaawa-awa naman sila.
- Latest