EDITORYAL - Sa ilalim ng puno o sa CR magkaklase?

BUKAS ay umpisa na ng klase sa public schools. At katulad ng dati, lulutang na naman ang lumang problema – kakapusan sa mga classroom. Pero mas matindi ang kinakaharap ngayong pasukan sapagkat bukod sa kakulangan ng classroom, kulang din ang mga silya at iba pang pangangailangan sa loob ng school. Dati na itong problema pero lumalala pa. Maaaring maulit na naman ang senaryo na sa lilim ng puno magkaklase ang mga estudyante o kaya’y sa pasilyo at comfort room. Kanya-kanya ring dala ng silya para may maupuan.
Tinatayang 27.8 milyong estudyante ang papasok bukas at inaasahang kakapusin ang classrooms. Pinakamatindi ang magiging problema sa Eastern Visayas Region kung saan marami sa mga eskuwelahan doon ang hindi pa rin natatapos mula nang wasakin ng bagyong Yolanda. Karamihan umano sa mga school ay mga plywood lamang ang dingding at ang mga bubong ay yero na butas-butas kaya tumutulo. Lubhang kawawa ang mga estudyante sa panahon ng tag-ulan at ganundin naman kung tag-init sapagkat walang proteksiyon.
Sa ibang lugar, dahil sa kakapusan ng classroom, may isang araw na walang pasok sa loob ng isang linggo para lang makapag-klase ang iba pang estudyante. Kung hindi ganito ang gagawin, hindi makakapag-aral ang iba pa.
Ayon sa Department of Education (DepEd), may karagdagang 66,050 silid-aralan na maita-turned over sa bago matapos ang 2019. Tiyak na raw ito kaya hindi na magiging problema ang kakapusan ng classrooms. Kaya na umanong punan ang kakulangan at hindi na magdaraos ng klase sa kung saan-saan lang.
Nakapagtataka naman kung bakit sa tuwing magbubukas ang klase ay ang problema sa kakapusan ng classrooms ang problema. Ayon sa report, ang funding para sa pagpapagawa ng karagdagang classrooms ay binalangkas pa noong 2014 pero hanggang ngayon problema pa rin.
Ang DepEd ay isa sa may malaking budget pero nakapagtataka na palaging problema ang kakapusan ng classrooms. Ano ang problema ng DepEd? Dahil ba sa kanilang kabagalan kaya ganito ang nangyayari? Kailan magiging mabilis ang DepEd sa pagresolba sa kakapusan ng silid aralan? Solusyunan ang problemang ito. Hindi na sana maulit ang pagdaraos ng klase sa lilim ng puno o sa dating comfort room.
- Latest

















