Utol (197)
NAGBALIK sa kaba-yanan sina Gerald para makilala ang mga magulang ni Gina.
Malapit lang sa simbahan ng San Pablo ang bahay nina Gina. Malaki ang bahay na hawig sa Spanish style pero sabi ni Gina, marami nang pagbabago roon. Sa mga lolo pa ni Gina ang bahay na ipinamana naman sa kanyang papa.
Matatanda na ang mga magulang ni Gina. Mababait ang mga ito at mainit na tinanggap si Gerald nang ipakilala ni Gina.
“Papa, Mama, si Gerald po.’’
“Kumusta po kayo?’’
Mahigpit na kinamayan ni Gerald ang papa at mama ni Gina.
“Mabuti at nakarating kayo rito sa San Pablo. Masyadong malayo ano?’’ sabi ng papa ni Gina.
“Hindi naman po malayo. Isa pa po, minsan na rin akong nakarating dito dahil nagtungo ako sa Liliw.’’
“Ah ganun ba? E meron kaming tindahan ng tsinelas sa Liliw. Yung kapatid ko ang nagma-manage.’’
“Ganun po ba. Ito pong kapatid kong si Xander ang lumaki sa Liliw. Taga-roon po kasi ang mother niya.’’
Ipinakilala ni Gerald si Xander at Anna sa matanda.
Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan.
“Nakarating na pala kayo sa lake – yung may floating kubo?’’
“Opo. Nag-enjoy po kami. Napakasarap din po ng inihandang pagkain sa amin ni Gina.’’
“Welcome kayo rito. Huwag kayong mahihiya,” sabi ng matanda.
“Mapapadalas po ang pagpunta ko rito dahil mahal ko si Gina.’’
Napangiti ang 2 matanda sa sinabi ni Gerald.
“Sabi ko nga po kay Gina kanina, lahat ay may paraan para makita ang minamahal. Masyado pong na-miss ko si Gina kaya napasugod kami rito.’’
“Salamat Gerald. Ngayon ay nakatitiyak na kami nitong maybahay ko na nasa mabuting mga kamay ang bunso naming si Gina. Nakikita ko na magiging mabuti kang asawa.’’
“Salamat din po.”
(Itutuloy)
- Latest