EDITORYAL – Toilets sa mga health center ubod nang dumi at walang tubig
SA maniwala at hindi, maraming health centers sa buong bansa ang napakarumi at walang supply ng tubig. Nanggigitata sa dumi ang mga health center at hindi na nakapagtataka kung magkaroon ng epidemya sa lugar dahil sa karumihan. Naturingan pa namang health center pero walang malinis na comfort room. Paurong ba ang takbo ng panahon na pati ang pagkakaroon ng malinis na toilet ay walang maipresenta man lang.
Masyadong miserable ang kalagayan ng mga health centers na walang malinis na toilet. Ito pa naman ang isa sa pinaka-importanteng part ng bahay o gusali. Ito ang laging binibisita ng mga tao para i-relieved ang sarili. Mapapatawad ang health centers na walang mga pangunahing gamit pero ang kawalan ng simpleng malinis na toilet ay wala, para bang napakahirap pa sa daga ang bansang ito.
Ang health centers na walang malinis na toilet ay para bang hindi katanggap-tanggap. Sana ito ang unahing gawin para naman hindi kakalat-kalat ang dumi na posibleng pagmulan ng mga sakit. Ang maruming toilet ang kadalasang pinanggagalingan ng mga sakit na gaya ng diarrhea, cholera at iba pang nakahahawang sakit.
Ayon sa World Health Organizations (WHO) at UNICEF, tatlo sa 10 health centers sa bansa ang walang malinis na toilets at ang matindi, walang toilet ang karamihan sa mga ito. Nabatid ng WHO at UNICEF na karamihan din sa mga health centers ay walang supply ng malinis na tubig. Paano raw makapagbibigay ng may kalidad na pag-aalaga ang mga health centers kung mismong toilet ay marumi at ang ilan ay wala ngang toilet. Napakaimposible umano na maipromote ang mahusay na kalusugan sa mamamayan kung walang tamang sanitation sa loob ng health centers.
Napakamiserable ng kalagayang ito sa mga health center sa buong bansa. Sana, maisaayos ng Department of Health (DOH) ang problemang ito. Huwag nang hintayin pang marami ang magkasakit at mamatay dahil sa karumihan. Kilos DOH para sa kapakanan ng mamamayan!
- Latest