San Jose
MAY bagong pari sa maliit na bayan ng San Jose sa isang malayong probinsiya. Sa kanyang mga unang araw, napansin niyang walang naghuhulog ng pera sa collection bag tuwing offertory. Minsan ay naidaing niya ito sa matandang may-ari ng grocery na inuutangan niya ng kanyang pangangailangan sa kumbento.
“Paano ako mabubuhay kung kahit isang kusing ay walang nagbibigay sa Simbahan? Paano na ang bayad sa kuryente, tubig, pambili ng ostiya at alak na ginagamit ko araw-araw sa misa?”
“Father huwag ka sanang magagalit. Hindi mo kasi binabanggit si San Jose sa iyong mga sermon kaya tinatamad ang mga taong mag-abuloy. Siyempre, siya ang ating patron kaya gusto ng mga taong maging bida siya sa mga sermon mo.”
Pagsapit ng Linggo, inilipat ni Father ang imahen ni San Jose sa kanyang tabi habang nagsesermon. Ikinuwento niya ang naging buhay ni San Jose bago siya maging santo. Sa hu-ling bahagi ng kanyang sermon: “Kahit ano ay puwede mong hilingin kay San Jose, mabuting mapapangasawa; masaganang ani at paggaling ng sakit.”
Ang matandang may-ari ng grocery ang naatasang magpasa ng collection bag. Sa sobrang dami ng naghulog ng pera sa collection bag, ang ibang pera ay naglaglagan na sa sahig. Bumulong ang matanda sa pari, “Father next time, huwag mong itotodo ang pagpuri kay San Jose. Baka maubos na ang pera ng mga tao at malaking problema iyon sa akin.”
“Ano ang magiging problema mo?”
“Siyempre, wala na silang pera kaya sa akin naman sila uutang ng kanilang pagkain.”
- Latest