Diver sa South Africa, nakaligtas nang malulon ng balyena
ISANG diver sa South Africa ang nilulon ng balyena subalit himalang nakaligtas.
Kasama ng 51-anyos na dive tour operator na si Rainer Schimpf ang kanyang team para sa pagsasaliksik sa mga isda noong nakaraang Marso 7 nang bigla na lang daw magdilim ang kanyang paligid.
Naramdaman daw niya na may biglang pumisil sa kanyang baywang. Alam niyang sinakmal siya ng isang balyena at nasa loob na ng bunganga nito.
Sa kabutihang palad, iniluwa rin siya ng balyena.
Nang makaahon, tinanong kaagad ni Schimpf ang kanyang photographer na si Heinz Toperczer kung nakunan ba nito ng litrato ang nangyari sa kanya na sinagot naman nito ng “Oo.”
Ayon sa report, isang Bryde’s whale ang lumulon kay Schimpf. Ang balyena ay may habang 55 talampakan at 30 tonelada ang timbang. Hindi naman nangangain ng tao ang mga balyena at maaring aksidente lang ang pagkakapasok ni Schimpf sa bunganga nito.
Nagpasalamat si Schimpf na siya ay buhay pa. Hindi niya malilimutan ang pagkakaroon ng kakaibang karanasan kasama ang balyena.
- Latest