Gawing Anti-Kastigo, hindi Anti-Palo Bill
NATURAL sa bata ang maging makulit. Napapagalitan at napaparusahan pa nga minsan dahil sa katigasan ng ulo.
Nag-viral pa ang ilang mga video na sinasaktan ng magulang ang mga bata. Sa mga kasong ganito, ang parusa ay hindi na makatao.
Ito ang dahilan sa pagsulong ng Anti-Palo Bill nina Rep. Bernadette Herrera-Dy at Sen. Risa Hontiveros. Bagong batas para dagdag-proteksyon sa mga paslit.
Umaasa silang maisabatas ang Senate Bill No. 1477/House Bill No. 8239 o The Positive and Non-Violent Discipline of Children Act.
Ilan sa mga nais ipagbawal ng batas na’to ang pisikal na pananakit tulad ng pananabunot, pag-alog, pamimilipit, panunugat at pamamalibag. Damay pati ang mga makalumang parusa tulad ng pagpapaluhod sa bato o asin, pagpapa-iskwat, pagpapaupo nang ‘di karaniwang posisyon, at pagpapahawak ng mabigat na bagay nang matagal.
Dinagdag din ang pagbabawal sa berbal na pang-aabuso tulad ng pananakot, pamamahiya o pagmumura sa bata sa pampublikong lugar.
Sangayon naman ako sa nais isulong ng batas na ito. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit Anti-palo Bill pa ang binansag dito.
Ayusin n’yo. Hindi naman tinutukoy ang pamamalo sa nilalaman ng batas. Mataas na lebel ng pagpaparusa ang nakasaad dito. Mas okay pang tawaging Anti-Kastigo Bill.
Ang mga magulang ay dapat maging maingat sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Hindi pinagbabawal ang pamamalo sa mga anak.
May pagmamahal sa pagdidisiplina. Hindi lang basta-basta pananakit para lang magtino.
Dinidisiplina ng mga magulang ang anak para ituwid ang baluktot sa pag-uugali – para itama ang kanilang mga pagkakamali. Ibang-iba ang pangangastigo. Labis na emosyonal at pisikal na pananakit ang natatanggap ng bata. Walang pagmamahal… basta makapanakit lang sa walang muwang na bata.
Hindi pare-pareho ang pamantayan ng mga magulang sa pagdidisiplina. Ang iba, nakabase sa pananampalataya ang pagpapalaki sa kanilang anak.
Pwedeng mamalo nang hindi humahantong sa pangangastigo. Pero ang pangangastigo, hinding-hindi magiging pagmamahal.
Kaya para sa’kin, baguhin ang bansag sa batas na ‘yan. Anti-Kastigo Bill, mas bagay.
- Latest