^

Punto Mo

Itaboy ang makabagong halimaw sa 2019

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PARA sa mga Chinese, ang 2019 ay “Year of the Pig,” bagama’t ang kanilang Bagong Taon ay magsisimula pa lamang sa Pebrero 5, 2019 at magtatapos sa Enero 24, 2020.  Ang baboy ang nasa hulihang posisyon ng “Chinese Zodiac” at ayon sa mga Chinese, ang baboy ay nagdadala ng suwerte, lalo na sa mga negosyante.

Siyempre, ang mga Kristiyano ay hindi naniniwala sa “Chinese Zodiac.” Sa paniniwalang Kristiyano, ang kinabukasan ng tao ay hindi nababatay sa “zodiac,” o sa posisyon ng mga bituin at planeta, o sa guhit ng palad. Ang kinabukasan ng tao ay nakasalalay sa mga kamay ng makapangyarihang Diyos, bagama’t kinakailangan ng tao ang pakikiisa tungo sa katuparan ng magandang plano ng Diyos sa kanyang buhay.

Anuman ang paniniwala mo tungkol dito, magandang masagot ang tanong: “Ano nga kaya ang naghihintay na kapalaran sa Pilipinas sa 2019 na taon ng mga baboy?”  Magkakaroon kaya tayo ng kasaganaan na tulad ng iniuugnay sa “zodiac” na ito?  O patuloy na “bababuyin” ang ating buhay ng mga ganid na pulitiko, tiwaling mga opisyales ng gobyerno at mga gahamang negosyante?

Kung totoo ang ibinulgar ni Sen. Panfilo Lacson na isiningit sa 2019 National Budget ang “pork barrel” sa pamamagitan ng bagong sistema ng “kickback” na tinawag niyang “pork parking arrangement,” maliwanag ang sagot sa aking tanong, lalong “bababuyin” ng katiwalian ang lipunang Pilipino ngayong 2019.

Hindi ba ang “pork” ay karne ng baboy? Bilyun-bilyong “karne” ang mapapasakamay na naman ng mga tiwaling pulitiko at opisyales ng gobyerno. Suwerte nga ang 2019, pero hindi sa  naghihirap na mamamayang Pilipino, kundi sa mga tinaguriang lingkod-bayan na tila walang kabusugan sa pagkain ng “karne.”

Noong 2013 pa ipinagbawal ng Korte Suprema ang “pork barrel”. Panahon ni Presidente Aquino at tinawag na “Priority Development Assistance Fund.” Anuman ang itawag sa “pork barrel,” ito’y mananatiling masamang “karne” na magiging dahilan ng atake sa puso ng buong Pilipinas.

Sinasalubong ng mga Chinese ang pagdating ng Bagong Taon sa pamamagitan ng pagpapaputok sa paniwalang naitataboy nito ang masasamang espiritu. Ang tradisyong ito’y nag-ugat sa alamat na diumano, tuwing dumarating ang bagong taon ay lumalabas ang halimaw na si Nian upang kumain ng mga tao at wasakin ang bahay ng mga tao. Batay sa alamat, natuklasan ng mga tao na takot si Nian sa ingay ng paputok galing sa bumbong ng kawayan na nilalagyan ng pulbura at inihahagis sa apoy upang sumabog.

Mas mabagsik kaysa halimaw na si Nian ang mga tiwaling pulitiko at opisyales ng gobyerno at gahamang mga negosyante.  Hindi sila maitataboy ng mga paputok kahit na nga ‘yong mga ipinagbabawal na tulad ng piccolo, super lolo, whisle bomb at goodbye earth. Tatawanan lamang nila ang mga ito.

Ang tanging makakasugpo sa kanila ay ang pananatiling mulat at pakikisangkot ng mga mamamayan na labanan ang katiwalian, kawalang-katarungan at pagsasamantala ng mga nasa poder.

Hindi taon ng baboy ang 2019. Ito’y taon ng Diyos na lumikha ng sanlibutan at sangkatauhan. Anuman ang iyong relihiyon, magandang maging panuntunan mo ang Micas 6:8, “Ito ang nais ni Yahweh, maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa iyong Diyos.” Pagiging makatarungan, pagmamahal sa kapwa, pagpapakumbaba — ang mga ito ang magtataboy sa mga mabagong halimaw ng ating panahon.

 

 

ITABOY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with