EDITORYAL - Ginawang basurahan ang Luneta
MARAMING nagtungo sa Luneta noong Pasko para doon magselebreyt. Marami silang dalang pagkain, inumin, at kung anu-ano pa para maging masaya ang pagdiriwang ng Pasko. Pami-pamilya ang dumadagsa sa Luneta. Ayon sa National Parks Development Committee (NPDC), tinatayang mahigit 5,000 tao ang nagtungo sa Luneta noong Pasko. Karamihan sa kanila roon ay nagpalipas ng magdamag.
Nang sumikat ang araw, wala na ang mga tao. Parang winalis sila. At ang nakadidismayang tanawin ang naiwan sa Luneta – maraming basura. Sa paligid ng monumento ni Dr. Jose Rizal, mistulang dagat ng basura ang makikita. Iba’t ibang kulay ng basurang plastic ang naroon – supot na plastic, plastic bottle, styro, sachet ng kape, pinagbalutan ng lechon, cup ng noodles, balat at dahon ng saging, pinagbalutan ng regalo at marami pang basura.
Nang walisin at tipunin ang mga basura, umabot ito sa 12 trucks. Halos ganito rin karami ang basurang nakolekta noong nakaraang taon makaraan ang Pasko. Walang pagbabago. Wala pa ring disiplina ang mga nagseselebreyt ng Pasko sa Luneta. Kahit na taun-taon ay nagpapaalala na huwag iwan ang basura, hindi pa rin ito nasusunod at lalo pang dumarami ang nakokolektang basura.
Sabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, na-disappoint siya sapagkat hindi na iginalang ng mga tao ang Luneta bilang tourist attraction. Kung gaano raw ang pagsisikap nila para mapaangat ang turismo ng bansa ay winawalang-halaga naman ito ng karamihan. Sa halip na tumulong para mai-promote ang turismo ay ibinabagsak pa.
Kailan matututo at magiging disiplinado ang mga nagseselebreyt ng Pasko sa Luneta? Kahit ulit-ulitin ang paalala na huwag iiwan ang basura, patuloy pa ring ginagawa. Dinumihan muli ang Luneta at maa-ring dumihan muli sa Bagong Taon. Matuto na sana ang mga nagtutungo sa Luneta na huwag gawing basurahan ang popular na parke na kinaroroonan ni Rizal na gugunitain ang kamatayan bukas.
- Latest