Bato mula sa buwan, tampok ng isang auction sa Boston
HINDI na kailangan pang lumipad sa kalawakan ng sinumang nangangarap magkaroon ng bato mula buwan dahil mayroon nang mabibili rito sa sa daigdig.
Isang 5.5 kilo na meteorite na nagmula sa buwan at nadiskubre sa Northwest Africa noong isang taon ang tampok ngayon sa isang subastahan sa Boston na inorganisa ng RR Auction.
Inaasahang papalo sa $500,000 (katumbas ng 27 milyong piso) o higit pa ang magiging presyo nito kapag natapos na ang online bidding na magsisimula nitong Huwebes at magtatapos sa ika-18 ng Oktubre.
Ipinagmamalaki ng RR na ang kanilang hawak na bato mula sa buwan ang isa sa pinakamahalagang piraso ng meteorite sa buong mundo at isa rin sa pinakamalaki.
Binansagang “Buagaba” ang bato, na bagama’t napulot noon lamang isang taon sa isang liblib na bahagi ng Mauritania ay tinatayang ilang libong taon na mula nang nahulog ito mula sa kalangitan.
Malaki ang bato kumpara sa mga pangkaraniwang natatagpuan sa daigdig na madalas ay kasinlaki lamang ng golf balls.
- Latest