Matandang Tinali (227)
PANSAMANTALA, sa bahay muna ni Manong Naldo nanirahan sina Dong at Joy habang ginagawa ang kanilang kubo. Nagpayo si Dong kay Joy na maaari muna itong umuwi sa Maynila habang wala pang titirahan. Pero ayaw pumayag si Joy.
“Dito na lang ako, Dong. Gusto ko lagi kang kasama. Isa pa, gusto kong makita ang paggawa ng ating kubo.’’
“Sige ikaw ang bahala.’’
“Pero okey lang kaya kay Manong Naldo na rito muna tayo sa kubo nila. Baka masyado na tayong pabigat.”
“Hindi. Sabi ni Manong, dalawa ang kubo niya. Medyo malayo nga lang. Dun muna sila. Wala raw tayong dapat alalahanin sa kanya.’’
“Napakabait talaga ni Manong at pamilya niya.’’
“Oo nga. Nasubukan na natin ang kabutihan niya. Bukod dun, maituturing na bayani dahil kung hindi sa kanya, baka buhay pa si Joemari.’’
“Oo nga. Siyanga pala, dapat mayroong reward si Manong dahil siya ang nakapatay kay Joemari. Di ba malaki ang reward ng PDEA sa sinumang makakahuli o makakapatay kay Joemari.’’
“Oo nga ano? Di ba yun ang sabi ng PDEA nang ireport natin si Joemari. Kung hindi ako nagkakamali, P1 milyon ang reward. Mas maganda siguro kung pumunta ako sa PDEA bukas para malaman ang tungkol dito.
Kinabukasan, nagtungo mismo sina Dong at Joy sa PDEA sa bayan. At tama nga na P1 milyon ang reward. At si Manong Naldo ang tatanggap niyon ayon sa PDEA chief.
Tuwang-tuwa si Manong sa binalita nina Dong at Joy. Makakabili na sila ng sari-ling lupa at bagong bahay para roon.
ISANG linggo ang lu-mipas, bago na ang kubo nina Joy at Dong. Mas ma-laki at maganda. (Itutuloy)
- Latest