Bayan sa China, binaha ng bula
AAKALAING bumaba ang mga ulap sa isang bayan sa China matapos bahain ng sangkatutak na bula.
Makikita sa isang video na kuha sa Nanning City ang makakapal na bula na nagkalat sa isang bakanteng lote.
Sinasabing nagmula ang mga makakapal na bula sa washing liquid na ginamit ng isang lalaki sa lugar upang linisin ang mga nire-recycle na mga plastic na bote.
Naparami ang ginamit na washing liquid ng lalaki at karamihan sa mga ito ay inanod sa imburnal na nasa ilalim ng siyudad.
Nagsimulang kumalat ang mga bula nang bumuhos ang malakas na ulan sa lugar, dahilan upang mas lalo pang kumapal at magsilakihan ang mga bula na nagsilitawan mula sa mga umapaw na imburnal.
Marami sa mga residente ang namangha nang makita nila ang sangkatutak na bula sa lansa-ngan kaya marami ang kumuha ng video ng kakaibang tanawin.
Agad namang kumalat ang mga kuhang video sa social media sa China kung saan marami ang nagtataka kung gaano ba karami ang ginamit na panlinis ng lalaki upang magresulta sa ganoon karaming bula.
Mayroon namang isang netizen ang may hinalang isa lamang itong gimik ng kompanya ng washing liquid upang mapag-usapan ang kanilang produkto.
- Latest