Bigong katangian ng social media bilang diary
NOONG panahong hindi pa uso ang computer, internet at social media, isa sa luma nang daluyan ng anumang saloobin ng isang tao ay isulat sa isang maikling kuwadernong tinatawag na diary o talaarawan ang anumang gusto niyang itala rito. Maaaring mga karanasan niya sa nagdaang araw, obserbasyon niya sa ibang tao o kanyang kapaligiran, nararamdaman niya sa isa o ilang mga tao o sa mga nasaksihan niya sa nagdaang maghapon, reaksiyon niya sa mga pangyayaring nasaksihan niya. Maaari rin namang, sa tulong lamang ng lapis o bolpen, itatala niya sa talaarawan ang mga naging tagumpay o kabiguan niya sa buhay, mga hinanakit o sama ng loob na nararamdaman niya, kung paano siya nagiging masaya kapiling ang mahal sa buhay, o mga pangarap na nais niyang matupad o mga balak niya para sa hinaharap. Walang ibang nakaaalam ng mga nasa isip at kalooban niya maliban sa kanya at sa talaarawang ito. Pribadung-pribado.
Hindi ko alam kung meron pang nabibiling ready-made na diary sa mga bookstore. Kahit naman sa isang simpleng maikling kuwaderno ay maaaring gawin ito. Siguro, kung meron pang gumagawa ng lumang sistema ng paggawa ng diary, hindi pa siya naaabot ng makabagong teknolohiya o maaaring mas komportable siya sa tradisyunal na anyo ng isang talaarawan.
Pero, sa social media sa kasalukuyang panahon, bawat pananalitang itatala rito ng sinuman ay malayang nababasa at nakikita nang maraming tao. Parang bukas sa publiko ang lahat ng personal na bagay na gusto mong isulat o mensahe. At, dahil maraming nakakabasa, maaari kang purihin, hangaan, tuksuhin o insultuhin, alaskahin o awayin. Bawat poste o mensahe sa Facebook o Twitter halimbawa ay hindi maiwasang punahin at batikusin ng makakabasa. Tila wala kang laya sa pagbuhos sa Facebook ng iyong mga nararamdaman at iniisip. Maaaring sabihin mong wall mo iyon at walang karapatan ang iba na makialam. Kaso nga, hindi tulad ng tradisyunal na porma ng diary ang Facebook na maaaring sarilinin at hindi maaaring hindi basahin at punahin ng ibang tao. Dahil nga nalalantad sa lahat, hindi maiwasang kilatisin ng iba ang anumang lumalabas na mensahe o posting sa social media.
- Latest