Ang ‘original ending’ ng fairy tales (Part 2)
ANG layunin ng paglikha ng fairy tales noong araw ay upang mangaral tungkol sa mabuting pag-uugali. Dagdag pa rito, ang fairy tales ay ginamit noon para itaguyod sa isipan ng mga tao na ang kademonyuhang pag-uugali, kalibugan, kasakiman at pagmamataas ay may kapalit na masamang karma. Sa kagustuhang takutin ang mga tao sa paggawa ng kasamaan, naging barbaric ang kaparusahan sa mga kontrabida.
Sa pagdaan ng panahon, naisipan ng Disney na gawan ng pelikula ang mga classic fairy tales na ito. Bata ang target audience ng Disney kaya “nilinis” nila ang istorya. Ang “dark” premise ay pinagaan upang umangkop sa makabagong panahon na hindi na kailangang manakot para mag-behave ang mga tao.
Sleeping Beauty
Disney’s version:
Natusok ang daliri ni Princess Aurora ng matulis na spindle kaya iyon ang simula ng kanyang mahabang pagtulog. Isang prinsipe ang naligaw sa kastilyong kinaroroonan ni Sleeping Beauty. Sa sobrang paghanga, hinalikan niya ang prinsesa. Nagising ito at nagkaibigan sila hanggang sa naging mag-asawa.
Original version:
Kung tutuusin, hindi pangbata ang Sleeping Beauty. Tunghayan ninyo kung bakit. Ginahasa ng prinsipe ang natutulog na prinsesa. Iniwan ito at kinalimutan. Ang rapist na prinsipe ay may asawa. Si Sleeping Beauty ay nabuntis. Hindi nagising ang prinsesa sa halik ng prinsipe kundi sa kambal na sanggol na kusang lumabas sa sinapupunan niya. Nagising si Sleeping beauty nang sipsipin ng sanggol ang kanyang daliring natusok ng spindle. Dahil sa pagsipsip, natanggal ang herb sa daliri ng prinsesa na sanhi kung bakit siya nanatiling tulog.
Hinanap ni Aurora ang prinsipeng gumahasa sa kanya. Bitbit ang kambal na anak, natagpuan nila sa isang palasyo ang prinsipe. Pinagtangkaan silang mag-iina na patayin ng asawa ng prinsipe ngunit ipinagtanggol sila ng hari na ama ng prinsipe. Pinalayas ng hari ang asawa ng prinsipe. Inutusan niya ang anak na pakasalan si Aurora.
- Latest