Senyales mula sa kabilang buhay
TAUN-TAON tuwing sasapit ang death anniversary ng tatay ni Julie, May 5 ay umuuwi siya sa Laguna para dalawin ito sa sementeryo. Isang mainit na hapon iyon habang nagrorosaryo siya sa harap ng puntod ng kanyang ama. Walang tao sa paligid ng puntod kundi siya. Pagkatapos mag-rosaryo at basahin ang dasal para sa mga kaluluwa ay nag-monologue siya:
“Tatay sana ay magbigay ka ng sign na masaya ka na diyan sa kabilang buhay. Habang tumatagal, lalo kitang nami-miss.”
Tumungo siya at pumikit dahil bigla siyang nalungkot. Biglang humangin ng malakas. Parang may munting ipo-ipo na nabuo sa tabi ng puntod —ang mga alikabok ay nagpormang cone habang pinaikot ito ng hangin. Munting ipo-ipo dahil more or less ay 3 feet lang ang taas. Mga ilang segundo lang itong umikot saka tumigil.
Habang winawalis ni Julie ang mga dahong tuyo na tumalsik sa puntod ay napansin niyang may nakatingin sa kanyang kambing. Pangkaraniwan nang tanawin na may mga kambing na naglalakad sa sementeryo. Pinakakawalan ito ng mga may-ari tuwing hapon na naninirahan malapit sa sementeryo. Pero kakaiba ang isang kam-bing na iyon. Tumigil sa tapat ng puntod at nakatingin sa kanya.
May naalaala siya. May alagang kambing ang kanyang ama na napulot lang nito habang binibisita ang niyugan sa bukid. Pinangalanan itong Billy. Maghapong sunud nang sunod ito sa kanyang ama. Ipinagtanong ng kanyang ama kung sino ang may-ari sa buong barangay pero walang makapagsabi kung sino ang may-ari hanggang sabihin ng mga tao na ampunin na ito at isauli kung may aangkin dito. Tatlong buwan lang ang itinagal ng pag-aalaga ng kanyang ama sa kambing dahil inatake na ito sa puso at binawian ng buhay. Kinabukasan, namatay din ang kambing. Natagpuan na lang na matigas itong nakahiga sa kanyang higaan.
Parang tao na kinausap ni Julie ang kambing na nakatayo sa harapan ng puntod: Kakulay mo ‘yung dating alaga namin. Billy din ba ang pangalan mo?
Nag-MEEEH ang kambing. Tatlong beses.
Kinilabutan si Julie. Tumungo siya para ipagpatuloy ang pagwawalis. Pagtunghay niya…wala na ang kambing. Nagpalinga-linga siya sa paligid, walang palatandaan na may kambing sa paligid. Nagtayuan ang kanyang balahibo. Nang matanggal ang pangingilabot, napabulong si Julie: Tatay, naiintindihan ko na po. Ipinadala mo ang signs na iyan para ipaalam mo na masaya ka na sa kinaroroonan mo.
- Latest