Ang usa, leon at si J.K. Rowling
SA isang kagubatan sa Africa, basta’t nagpakita na ang araw, gumigising na ang usa upang maghanap ng pagkain at tumakbo nang tumakbo. Gusto niyang mapraktis ang kanyang mga paa upang mahigitan niya sa pagtakbo ang kalaban niyang leon. Kung hindi niya gagalingan ang pagtakbo, mapapatay siya ng leon para gawing agahan.
Ganoon din ang leon, kailangan niyang galingan ang pagtakbo upang makahuli ng usa. Kung hindi niya gagalingan, mamamatay siya sa gutom.
Hindi importante kung ikaw ay leon o usa. Ang mahalaga ay hindi ka tumitigil sa pagtakbo upang manatili kang “alive and kicking”. Ganito ang ginawa ni J.K. Rowling noong nagsisimula pa lang siyang maging manunulat.
Sa kabila ng 12 rejections, nagpatuloy si J.K. Rowling sa pag-aalok ng kanyang nobelang Harry Potter sa mga publishing companies. Umaasa siyang isang araw, may makakagusto rin ng kanyang pinaghirapang obra. Sa wakas may isang tumanggap. Pero subok muna. Naglimbag lamang ng 1000 kopya. Ang 500 kopya ay libre pang ipinamigay sa public libraries.
Isang araw, tumanggap ng award ang libro: British Book Award for Children’s Book of the Year. Simula noon, napansin ang Harry Potter. Umabot ng 400 milyong kopya ang naibenta. Si J.K. Rowling ang kauna-unahang naging bilyonaryo dahil sa kanyang sinulat na nobela. Ngunit natanggal siya sa listahan ng bilyonaryo sa buong mundo dahil ipinamigay niya ang kanyang pera sa charitable institutions.
- Latest