Sustansiya ng dugas-bigas
NAGKAKULAY anomalya ang pagkakasibak kay Usec. Halmen Valdez dahil sa maintrigang rekomendasyon nito sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa, dahil meron daw napapaborang importer dito. Maraming nasasangkot sa usaping importasyon ng bigas, pero isinarado na ito ni President Digong, kahit patuloy pa rin si Valdez sa pagpapaliwanag.
Iba’t ibang teknikalidad ang ginagamit sa pagpapalusot ng bigas sa bansa, na nagpapahirap sa mga lehitimong magsasaka. May smuggling na ang estilo ay ang hindi tamang deklarasyon sa Bureau of Customs tulad ng klasipikasyong General Merchandise na bistado na ng maraming tao sa mga pier. Milyong tonelada na ng mamahaling bigas ang nakalusot na sa iba’t ibang pier ang may maling deklarasyon tulad ng Gen. Mechandise o kaya naman ay klasipikasyon na animal feed grains na ang totoong laman ay malagkit na bigas (glutinous rice), dahil sa pakikipagsabwatan ng mga tauhan ng BOC, partikular na ang Assessment Division nito.
Hindi na raw magbibigay ng Rice Importation Permits ang Department of Agriculture sa farmer cooperatives na pinaniniwalaang nare-recycle ng smugglers.
Pinagdududahan na ni Agriculture Sec. Manny Pinol ang kuwalipikasyon ng mga magsasaka na umangkat ng bigas sa ibang bansa, dahil karamihan daw sa kanila ay mahihirap lamang at walang kakayahan na pondohan ito. Malamang na naghahanap na naman ng paraan ang rice smugglers sa bansa kung papaano nila palulusutin ang bigas na nabili na nila sa ibang bansa para maipasok ito sa atin, sa ano mang paraan.
Ang India, Pakistan, Thailand at Vietnam ang pinanggagalingan ng inaangkat na bigas ng bansa, kaya madaling malaman kung sinu-sino ang bumibili ng bigas mula sa mga nasabing bansa para maipasok sa bansa natin. Maari din kasi na gumamit ng lehitimong importers ng General Mechandise Cargoes ang sindikato para maitago ang iligal na importasyon ng bigas na pinadadaan muna sa non-rice exporting country tulad ng Hong Kong, na puwedeng gawing transhipment point, kaya dapat na siyasating mabuti ang mga kargamento mula sa nasabing bansa. Sana ay masampolan din ang mga Shipping Lines na masasangkot sa pagpapalusot ng mga iligal na kargamento. May batas na pinaiiral dito na ang parusa ay kumpiskasyon ng mismong barko na pinagsakyan ng iligal na kargamento kung mapapatunayan na sangkot ito sa smuggling.
BAKAS sa RADYO LA VERDAD 1350 AM and tuwing Sabado 5:00-7:00 p.m.
- Latest