Bukulan ang totoong dahilan
SIBAK si DILG Sec. Mike Sueno matapos ilaglag ng kanyang Undersecretaries na una na niyang inerekomenda kay Pres. Duterte na sibakin sa puwesto. Bumuwelo ng ganti sina Usecs. John Castriciones, Jesus Hinlo at Emily Padilla na si Sueno raw ang dapat na sibakin dahil corrupt ito at abusado.
Ganito rin ang nangyari kay NIA Administrator Peter Lavina na sinibak din dahil sa paghingi ng commission sa contractors sa NIA. Sinundan ito ng Katiwalian sa Philippine Coconut Authority na binubukulan daw naman ni PCA Chief Avelino Andal. Pinabulaanan ito ni Andal at itinuturo si Undersecretary Halmen Valdez ng pang-iintriga sa kanya at inakusahan si Valdez na ito rin daw ang umintriga kay NIA Administrator Peter Lavina sa opisina ni Cabinet Sec. Leoncio Evasco na kilalang galit sa corrupt at mambubukol.
May namumuo rin daw hidwaan sa pagitan nina SBMA Chairman Martin Dino at Administrator Wilma Eisma. Maraming pagkakaperahan sa SBMA kung tutuusin, kaya hindi maialis na mag-isip ang tao na bukol din ang dahilan. Ngayon naman ay sa Bureau of Customs sa pagitan nina Dep. Commissioner for Intelligence Atty. Teddy Raval at CIIS Director Neil Estrella dahil ibinasura ni Raval ang isinumiteng reshuffle ng mga tauhan ng CIIS na inihanda ni Dir. Estrella at pinalitan ng mga taong kursunada ni Raval. Malapit si Estrella kay BOC Commissioner Nicanor Faeldon samantalang si Raval ay manok daw ng isang maimpluwensiyang relihiyon. Namamayagpag pa rin daw ang mga kilalang matitinik na brokers na mga naiulat na matagal nang kasapakat ng smugglers sa bansa. Totoo ba na ibinaba na ang singilan per container at nakaimbudo ang usaping iligal sa iilang opisyal ng BOC na nambubukol sa kaban ng bayan? Malamang na magkasibakan din sa Aduana.
Kilala ang BOC na sentro ng corruption kaya marami sa mga opisyal nito ang kapit-tuko sa puwesto.
Pulitika at utang na loob ang karaniwang dahilan sa ganitong usapin na palasak sa pagpapahirap sa bansa. Hindi madaling lunasan ang sakit na kanser sa kasakiman na minana pa sa ating mga ninuno na nambukol din sa bayan.
BAKAS sa RADYO LA VERDAD 1350 KHz AM Band Sabado 5:00-7:00 p.m.
- Latest