Balat
“NANCY I love you!”
Pasigaw ang pagkakasabi ng lalaki na sasabayan ng nakakainsultong halakhak. Ganoon lagi. Para bang ang pag-a-I Love You sa kanya ng mga kalalakihan ay isang malaking katatawanan. Gustung-gusto siyang asarin ng mga lalaking estudyante sa kanilang eskuwelahan. Ang totoo kasi hindi siya maganda. Hindi naman siya masasabing pangit dahil matangos ang ilong niya at maganda ang kanyang mata. Kaso sa sobrang itim ng kanyang balat, iyon ang unang napapansin kaya “wasak” na ang kanyang “image”. Lahi kasi ng maiitim ang kanyang ina. Isa o dalawang shade na lang ng itim ay malapit na siyang maging kakulay ng black American. Ang kanyang mga tiyuhin na mga magsasaka ay nabababad sa init ng araw kaya mukha na itong mga negro.
Naiinggit siya sa mga kaklase niyang babae na mapuputi. Marami itong manliligaw. Graduate na siya sa kolehiyo at nagtatrabaho nang mauso ang lotion at sabon na nagpapaputi ng balat. Halos ang 50 percent ng kanyang sinusuweldo ay sa mga pampaputing sabon at lotion nauubos. Sa pagtitiyaga niya sa walang humpay na pagpahid ng whitening lotion at paggamit ng whitening soap, nagkaroon ng milagro! Pumusyaw ang kanyang balat. Para siyang naging “mulata”, tawag sa anak ng isang white American at isang Negro. Naging kakulay niya sina Rihanna, Beyonce at iba pang negra na nagpaputi.
Simula nang pumuti, nagkaroon na siya ng self confidence. Kasi tanggapin natin na sa mga lalaking Pilipino, ang magaganda sa kanila ay ‘yung mapuputi. Sa katunayan, dahil luminaw na ang kanyang kulay, luminaw na rin ang kanyang lovelife at siya ay nagka-boyfriend.
Pagkaraan ng maraming taon, nagkaroon ng reunion ang batch nila sa high school. First time siyang nakita ng mga kaklase simula nang mag-improve ang kanyang kulay. Marami ang nagulat sa kanyang magandang pagbabago. Ang mga lalaking nambibiro ng masakit sa kanya noon ay mga natulala at talagang nagsabi na malaki ang iginanda niya.
Nilapitan siya ng crush niya noong high school at nakipagkuwentuhan. Masakit ang alaala niya sa lalaking ito. Nabalitaan ng mataray na ate na crush niya ang kapatid nitong bunso. Nilapitan siya at sinabihang huwag ipagsasabi na crush niya ang kapatid.
“Kapag kumalat na crush mo siya, kakantiyawan ang kapatid ko, kawawa naman.”
Iniyakan talaga niya ang pangyayaring iyon. Para namang nakakahawang sakit ang kapangitan at kaitiman. Ang pang-iinsultong iyon ang talagang dahilan kung bakit naging ultimate goal niya ang magpaganda. Pagkatapos ng reunion ay nagpatuloy ang communication nila ng dating crush hanggang siya ay ligawan. Pero binasted niya ito dahil mas pogi at mas mahal niya ang kasalukuyang boyfriend.
- Latest