Litanya sa martial law, h’wag seryosohin
MAHIGIT kalahating taon nang nakapuwesto si Pres. Rodrigo Duterte pero tila hindi na nasanay ang iba’t ibang sektor sa mga litanya o pahayag nito.
Paiba-iba ang naging pahayag ng Presidente na minsan ay nagsasabing kontra ito sa martial law dahil nakita naman daw ng lahat kung ano ang masamang nangyari noon sa ilalim ng Marcos regime.
Pero sa pinakahuling pahayag ni Duterte ay walang sinumang makakapigil sa kanya kung magpasyang magdeklara ng martial law kapag nakita niyang lumalala ang problema sa illegal drugs.
Agad umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga pulitiko at iba pang sektor ang pahayag na ito ng Presidente sa posibleng deklarasyon mg martial law.
Nakakatawa ang ilang mga senador at kongresista dahil agad nilang pinatulan ang pahayag ng Presidente na hindi man lang sinuri ang pinanggagalingan ng pahayag.
Malinaw naman na bunga lang ito ng pagkadismaya sa patuloy na paglaganap ng illegal drugs sa bansa kaya nakapagpapalabas ng mga ganitong pahayag ang Presidente.
Malabo naman na makapagdeklara ng martial law ang Presidente dahil bilang abogado, alam nito ang mga basehan at itinatadhana ng Saligang Batas.
Nakasaad sa ating Konstitusyon na kung may rebellion at invasion ang puwedeng basehan ng martial law at kailangang ito ay sang-ayunan ng kongreso na rerebyuhin din ng Korte Suprema at tatagal lang ng 60 araw.
Maging ang mga taga-media ay hindi na rin dapat patulan ang mga litanya ng Presidente sa martial law dahil magdudulot lang ito ng kalituhan.
Kilala ang Presidente sa mga makukulay na pahayag na hindi dapat literal ang interpretasyon sa halip ay suriing mabuti at katasin ang dahilan kung bakit nagbabanggit ng mga maanghang na salita.
- Latest