EDITORYAL - ‘Yolanda’ victims kawawa pa rin
MAGTATATLONG taon na sa Nobyembre 8 ang pananalasa ng bagyong ‘‘Yolanda’’ sa Kabisayaan na kumitil ng 6,000 tao. Pero hanggang ngayon, marami pa rin sa kanila ang hindi natutulungan. Nasa 200,000 biktima pa umano ang hindi pa nakakatikim ng tulong ayon kay Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo. Ang dahilan kung bakit hindi natutulungan: Local politics. Dahil sa political affiliations, marami pa ang hindi pa nakakatikim ng ayuda lalo sa pabahay. Kaya karamihan sa mga biktima ay nananatili pa rin sa bunkhouses. Ito ay sa kabila ng multi-bilyong pisong pondo na natanggap mula sa mga donasyon nang malalaking bansa.
Sabi ni Taguiwalo, sinumite na niya ang review ng bilyong pondo kay President Duterte. Kabilang din aniya sa isinumite ang mga report na nagkaroon ng diskriminasyon at kakaibang pagtrato sa mga biktima dahil sa kulay pulitika. Ibig sabihin, kapag hindi kaalyado ang namumuno sa lugar ay hindi napagkakalooban ng tulong.
Noon pa, mayroon nang kontrobersiya sa mabagal na pagtulong sa mga biktima ng “Yolanda”. Maski si dating presidential assistant for rehabilitation and recovery Panfilo Lacson ay nagsabing mabagal ang rehabilitasyon sa mga biktima. Mabagal umanong mag-release ng pondo ang mga nangangasiwa. Inilagay si Lacson ni dating Pres. Noynoy Aquino ilang buwan makaraang manalasa ang Yolanda subalit agad siyang nagbitiw dahil hindi umano pinakikinggan ang kanyang rekomendasyon para mapabilis ang rehabilitasyon. Ayon kay Lacson, nirekomenda ng kanyang tanggapan na buhusan nang pondo ang mga lugar na napinsala at tulungan ang mga biktima na makatayo sa sariling mga paa subalit walang nakikinig sa kanya.
Ang kabagalan sa rehabilitasyon ay napuna rin ng isang opisyal ng UN na bumisita sa mga biktima ng Yolanda noong 2014. Ayon sa opisyal, bagama’t may mga tirahang ginawa, wala namang sapat na tubig, kuryente at iba pang pangangailangan doon.
May bahid ng katotohanan ang sinabi ni Taguiwalo na dahil sa pulitika kaya marami sa mga biktima ang hindi pa nakakatikim ng ayuda hanggang sa kasalukuyan. Kawawa naman ang mga biktima ng ‘‘Yolanda’’ na naiipit dahil sa pulitika. Hindi dapat mangyari ang ganitong kalakaran lalo pa’t marami ang nangangailangang kababayan.
- Latest