Junk Mails
SI Aling Martha ay dating teacher na suwerteng naipetisyon ng kanyang anak na nurse sa Amerika. Sa California sila nanirahan. Tuwing umaga ay naglalakad siya sa paligid ng village. Nang magtagal ay nagkaroon siya ng mga kaibigang senior citizens na kagaya rin niya na naglalakad o nag-eehersisyo sa park. Bale apat silang naging magkakabarkada. Ang mga naging kaibigan niyang babae ay American na 84 years old, Italian, 75 at Thai, 70. Ang Italian ay nakakapag-Ingles ng kaunti pero ang Thai ay kagaya rin niyang bihasang mag-Ingles.
Ang kaibigan niyang Amerikana ay laging nanghihingi sa kanila ng junk mails. Noong una ay malabo kay Martha kung ano ang junk mails. Kailangan pa niyang tingnan ang specific definition nito sa dictionary. Ito pala ay mga ipinapadalang sulat sa mga indibidwal para ipakilala ang mga bagong produkto, libro, magasin, merchandise catalogs, investment opportunities at marami pang iba. Ang American friend na nanghihingi sa kanila ng junk mails ay si Alena.
Isang araw ay pinuntahan ni Martha si Alena sa kanyang bahay dahil ilang umaga na itong hindi nila nakakasamang mag-ehersisyo. Nag-iisa lang pala ito sa bahay. Nirayuma raw siya kaya hindi nakalabas ng bahay. Ang dalawa niyang anak ay naninirahan sa ibang state. Bihira na siyang dalawin. Nadatnan niya itong nagpipilas ng papel. Pinipilas niya nang maliliit ang mga papel.
“Ano iyan?” usisa ni Martha
“Junk mails na hiningi ko sa inyo at sa mga kapitbahay. Ito ang libangan ko. Binabasa ko muna saka ko pipilasin. Ganito ko pinalilipas ang maghapon. Mas mabuti ito kaysa nakatunganga. Itinatapon ko pagdaan ng garbage truck. Dapat ay gumawa tayo ng paraan para maging aktibo ang utak at katawan.”
Nabasa na raw niya ang lahat ng librong ibinigay ng kanyang anak kaya naisip niyang basahin ang mga nasa junk mails. Ayaw naman niyang bumili ng libro. Mababawasan pa ang kanyang pensiyon na inilalaan niya sa pagkain, kuryente, gas, etc.
Dahil kay Alena, naisip ni Martha kung gaano siya kasuwerte. Sa Amerika man o sa Pilipinas siya manirahan, hindi siya mag-iisa dahil ilang anak niya ang handang umalalay sa kanya anumang oras. Hindi niya kailangang magpilas ng mga junk mails dahil sa may mga apo siyang pinagkakaabalahan at nagdudulot ng kasiyahan.
- Latest