Bagong uri ng damo dinedebelop upang mabawasan ang pagdighay ng mga baka
DINEDEBELOP ngayon ng mga scientist sa Denmark ang isang bagong uri ng damo upang mabawasan ang pagdighay ng mga baka.
Gamit ang makabagong DNA technology, sinusubukan ng mga mananaliksik sa Aarhus University na makapagpatubo ng damong mas madaling i-digest para sa mga baka.
Ginagawa nila ito para mabawasan ang pagdighay ng mga baka na masama pala sa kapaligiran.
Kailangang bawasan ito dahil nagtataglay ang dighay ng mga baka ng methane na isa sa mga greenhouse gases na sanhi ng global warming.
Sa laki ng problemang dulot ng dighay ng mga baka ay itinuturing itong pinakamalaking pinanggagalingan ng polusyon mula sa industriya ng agrikultura.
Kaya naman mahalaga para sa gobyerno ng Denmark ang pag-aaral kaya pinondohan nila ito ng 13.5 milyong kroner (katumbas ng halos P100 milyon).
Bukod sa pagbawas sa pagdighay ng mga baka, makakatulong din ang bagong uri ng damo sa pagpaparami ng gatas na nanggagaling sa kanila.
Inaasahang makukumpleto ang ginagawang pag-aaral para sa pagdedebelop ng bagong uri ng damo sa loob ng 7 hanggang 8 taon.
- Latest