Isang ‘epal’, isang ‘bogus’
Mar at Digong, sino ba sa inyo ang totoo?
Habang palapit kasi ng palapit ang eleksyon, sige naman ang dalawa sa saltikan at pitikan. Kaniya-kaniyang banat sa media. Nagpapatalbugan sa ere sa kanilang mga palabra.
Kung si Digong tinawag na “fraud” si Mar. Ito namang si Mar may banat rin. “Epal” daw si Rudy.
Sa mababaw na pakahulugan mapapel, kulang sa pansin kaya nagpapansin para mapansin.
Ang “fraud” naman, bogus o peke. Ayon kay Duterte T.H. (trying hard) daw kasi ang hacienderong si Roxas na maging masa kahit hindi naman masa.
Ang pangangasiwa sa Yolanda ng dating DILG Secretary ang naging basehan ng Davao mayor sa kaniyang mga sinasabi.
Paglilinaw. Hindi ako namumulitika o nag-eendorso sinuman sa dalawang nagpapatalbugang presidentiables.
Baka kasi naaaliw na ang publiko sa mga aliwang pang-nasyunal. Hindi na nagsusuri ng mga laman at sustansya sa mga sinasabi ng mga personaheng laman ng balita.
Hindi lang si Mar at Digong ang nagsasaltikan. Marami pang mga pulitiko at “trapo” ang makikita nating mamamaga ang mukha sa harap ng mikropono at kamera.
Umpisa palang ng batuhang-putik. Dagdagan pa ng kani-kanilang mga spin doctor na magmamanipula sa isyu. Tsk..tsk!
Mag-analisa. Maging matalino.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest