Tunay na dahilan sa di-pagpasa ng BBL
MARAMI ang naniniwala na ang kawalan ng quorum o sapat na bilang ng mga mambabatas ang dahilan upang tuluyan nang madiskaril ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Totoong ang problema sa mababang kapulungan ng Kongreso ay walang sapat na bilang ng mga kongresista upang mapagtibay ang anumang panukalang batas at isa lang dito ay ang BBL.
Pero marahil, ang isa sa pangunahing dahilan ay naging emosyunal ang publiko sa BBL dahil sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao kaugnay sa operasyon laban sa terroristang si Marwan.
Bagamat may mga kongresistang kaalyado ng administrasyon na handang sumuporta sa BBL, nangangamba ang mga ito na baka maapektuhan ang kanilang kandidatura ngayong eleksiyon. Kaya umiiwas na lang ang ilang mambabatas na maipit sa BBL.
Naging balido nga naman ang rason ng liderato ng Kongreso na walang quorum kaya hindi matalakay at mapagdebatehan para pagtibayin ang BBL.
Marahil, maituturing na nagbukas sa isipan ng mga mambabatas na busisiin ang BBL dahil sa SAF 44.
Kung hindi namatay ang SAF 44, asahan na magiging mabilis ang pagpapatibay ng BBL.
Masasabing ang sakripisyo ng SAF 44 ay kapalit ng hindi pagkakalusot ng BBL dahil natuklasan ng mga mambabatas na maraming probisyon dito ang labag sa Konstitusyon bukod pa sa nakalululang malaking halaga ng pondo at kapangyarihan na hahawakan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) .
Dahil dito, makabubuting ipaubaya na lamang sa susunod na administrasyon at balangkas ng Kongreso ang pagpapatibay sa BBL. Maaari pang maisulong ang peace talks sa MILF at iba pang rebeldeng grupo upang makamit ang tunay na kapayapaan sa Mindanao.
- Latest