Pinakamaliit na ahas sa mundo, kasinlaki lang ng isang barya
PANGKARANIWAN lang na katakutan ang mga ahas ngunit malamang na magdadalawang-isip ang sinuman na katakutan ang Barbados thread snake na sinasabing pinakamaliit na ahas sa buong mundo.
Taong 2008 nang madiskubre ang kakaibang ahas na ito ng biologist na si Blair Hedges at ng kanyang research team mula sa University of Pennsylvania. Aabot lamang sa 10 sentimetro ang haba ng isang pangkaraniwang Barbados thread snake kaya naman mapagkakamalan itong bulate sa unang tingin. Kasinlaki lang din nito ang isang barya lalo na kung nakabaluktot ito.
Bagama’t may mga siyentistang ayaw kilalanin ang Barbados thread snake bilang pinakamaliit na ahas sa buong mundo, naniniwala naman ang mga nakadiskubre nito na ang Barbados thread snake na ang masasabing pinakamaliit sa buong mundo dahil imposible nang magkaroon pa ng ibang uri ng ahas na mas maliit pa dito.
Hindi na kasi posible na mangitlog o manganak pa ang isang ahas kung magiging mas maliit pa ito sa Barbados thread snake. Magiging masyado na kasing mahina ang ahas na isisilang kung masyado na itong maliit.
Ang napakaliit na sukat ng Barbados thread snake ang dahilan kung bakit paisa-isa lang ito kung mangitlog at hindi daan-daan na katulad ng ibang pangkaraniwang ahas.
Pinangangambahan namang maging extinct ang Barbados thread snake sa lalong madaling panahon dahil nauubos na ang mga kagubatang tinitirhan nito sa isla ng Barbados.
- Latest