Sir Juan (92)
“UUWI na tayo sa boarding house, Mahinhin,” sabi ni Sir Juan. “Doon ka na uli titira.’’
“Totoo po Sir Juan?”
“Oo. Hanggang ngayon ay nananatiling walang nakatira sa iyong kuwarto. Talagang para sa’yo yun.’’
Nang magsalita muli si Mahinhin ay may pa-ngamba sa boses.
“Paano po si Nectar, Sir Juan. Baka po i-bully na naman niya ako. Baka po kung anu-ano na naman ang gawin sa akin. Hindi po ako sanay lumaban, Sir Juan.’’
“Hindi na mangyaya- ri iyon, Mahinhin. Mayroon akong naisip na paraan para hindi na siya gumawa ng masama sa iyo. Iyon ay kung papayag ka Mahinhin.’’
“Ano po yun?’’
“Magkukunwari tayong magsiyota.”
Gimbal si Mahinhin. Ano itong naisip ni Sir Juan at magkukunwari silang magsiyota.
“Paano pong magkukunwari?’’
“Kunwari ay magsiyota tayo at lagi nating ipakikita sa kanya na sweet tayo. Palagi tayong magkatabi at nagkukuwentuhan.’’
“Pero bakit po kailangan nating magkunwari? Ano po ang magagawa niyon?’’
“Kasi malaki ang kutob ko na malaki ang pagkagusto sa akin ni Nectar. At kung makikita niya na lagi tayong sweet, hindi na siya magpapa-charming sa akin. At baka sa sobrang inis niya e umalis na siya sa boarding house at kung magkakaganoon, wala ka nang problema.’’
“Sir Juan, kung may gusto po sa’yo si Nectar e bakit hindi mo na lang siya siyotain. Hindi ka na maghihirap sa panliligaw sa kanya.’’
Napangiti si Sir Juan.
“E ang problema e hindi ko naman siya gusto.’’
“Bakit po Sir Juan?’’
“Basta hindi ko siya type.’’
Hindi na nagtanong si Mahinhin.
“Ano Mahinhin, payag ka bang magkunwaring magsiyota tayo.’’
Tumango si Mahinhin.
“Salamat, halika na, uuwi na tayo. Mula ngayon magsiyota na tayo.’’
(Itutuloy)
- Latest