EDITORYAL – P1.23-B pondo para sa mahihirap na estudyante hindi ginagastos
NADISKUBRE ng Commission on Audit (COA) na P1.23 bilyong pondo para matulungan ang mga mahihirap na estudyante sa buong bansa ay hindi nagagastos dahil sa maling implimentasyon ng government’s student assistance programs. Ayon sa COA, nakarekober sila ng mga “kahinaang nangyayari” sa loob ng Commission on Higher Education (CHED) kung bakit hindi nagagalaw ang pondo para sa mga naka-allocate nang slots at ganundin ang para sa allowances sa ilalim ng student financial assistance programs. Ayon sa COA, noong 2014, naka-allocate sa CHED ang pondong P5.2 bilyon para pantulong sa 391,817 na mahihirap na estudyante sa kolehiyo. Pero ayon sa COA, P1.23 bilyon sa nasabing pondo ang hindi nagagastos dahil hindi raw maabsorb ng CHED ang allocation nito.
Napakalaking halaga ng pondong ito na hindi nagagastos na dapat ay noon pang 2014 napakinaba-ngan. Ano ang gagawin dito ng CHED? Kung totoo ang sinabi ng COA na may kahinaang nangyayari sa CHED kaya hindi nagagastos ang pondo, dapat nang maimbestigahan ito. Kailangang mapakinabangan ng mga mahihirap na college studens ang pondo. Napakaraming nangangailangan ng pondo para matustusan ang pag-aaral. Maraming mahihirap pero matatalinong estudyante ang nararapat maambunan ng tulong.
Dalawang taon na ang nakaraan, isang mahirap na estudyante mula sa UP Manila ang kinitil ang sari-ling buhay dahil hindi pinayagang maka-enrol dahil mayroon pa umanong pagkakautang sa unibersidad. Lumagok ng silver cleaner ang estudyante.
Marami pang ganoong pangyayari na dahil sa kahirapan ng buhay ay pinuproblema ang ipangtu-tuition. Nawawalan na sila ng pag-asa na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa kakulangan ng pangmatrikula.
At habang may namumroblemang estudyante, meron naman palang pondo sa CHED na ayaw gastusin. Dapat paimbestigahan ito. Alamin ang katotohanan sa likod ng nadiskubre ng COA.
- Latest