EDITORYAL – Wala na sa listahan ang Pilipinas sa mga bansang mapanganib sa mamamahayag pero…
MAGANDANG balita. Inalis na ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag. Ayon sa New York-based press freedom watchdog Committee to Protect Journalists (CPJ), sa kanilang pag-analisa, walang mamamahayag sa Pilipinas na pinatay na may kaugnayan sa kanilang propesyon. May naidokumento umano silang pagpatay sa mga mamamahayag ngayong 2015 pero wala anila itong kaugnayan sa propesyon ng mga biktima. Pitong mamamahayag ang kanilang naitala pero wala umano itong kaugnayan sa kanilang trabaho.
Oo nga’t dineklara na ng CPJ na wala na sa listahan ang Pilipinas pero hindi naman ibig sabihin nito na hindi na kikilos ang pamahalaan para imbestigahan ang mga pinatay na mamamahayag. Mula noong 1986, nasa 174 na ang mga mamamahayag na pinatay sa bansa. Sa termino ni P-Noy, 37 mamamahayag na ang napapatay. Ang ika-37 ay si Jose Bernardo, broadcaster ng DWBL at correspondent ng DWIZ na binaril noong nakaraang Nobyembre. Ipina-park ni Bernardo ang kanyang motorsiklo sa tapat ng isang food chain sa Zabarte Road, Novaliches, Quezon City nang lapitan ng isang lalaki at pagbabarilin. Namatay si Bernardo sa ospital. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang killer ni Bernardo.
Marami nang pinatay na mamamahayag at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nalulutas. Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpong mamamahayag at 28 sibilyan ang minasaker at sama-samang inilibing sa hukay. Hanggang ngayon, anim na taon na ang nakararaan mula nang maganap ang krimen subalit wala pang nakukuhang hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Kahit idineklara nang hindi mapanganib ang Pilipinas sa mga mamamahayag, hindi dapat maging kampante ang pamahalaan. Patuloy na hanapin ang “utak” at killer ng mga mamamahayag. Lutasin ang mga pagpatay bago matapos ang termino ni President Aquino. Ipinangako naman niya ito noong nanga-ngampanya pa siya.
- Latest