EDITORYAL – DSWD, ngayon lang mag-iimbestiga sa mga nabulok na relief goods
NAKADIDISMAYA ang report ng Commission on Audit (COA) na umaabot sa P2.784 million ang halaga ng mga nabulok na bigas at naka-pack nang pagkain para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda. Dahil hindi na mapakinabangan, ibinaon na lamang ang mga ito. Mga uod at langaw ang nakinabang sa napakaraming pagkain sa halip na mga biktima ng bagyo, dalawang taon na ang nakararaan. Nanalasa ang Yolanda sa Eastern Samar at iba pang probinsiya sa Kabisayaan noong Nobyembre 8, 2013 na ikinamatay ng 6,000 katao.
Dahil sa grabeng pinsala sa ari-arian at kabuhayan, hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakababangon sa kanila. Marami pa ang naninirahan sa bunk houses sapagkat mabagal ang construction ng mga bahay na itinatayo ng pamahalaan. Marami nga ang nagtataka kung bakit usad-pagong ang rehabilitasyon doon.
Kung mabagal ang paggawa ng mga bahay para sa mga biktima, mabagal din naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pag-iimbestiga sa mga nasirang relief goods. Hanggang ngayon, wala pang nananagot sa mga nabulok na bigas at family food packs na dapat sanay ipamamahagi sa mga biktima. Hindi makapagbigay ng dahilan ang DSWD kung bakit usad-pagong ang pag-iimbestiga kung paano matutukoy ang responsible sa mga nabulok na pagkain.
Ilang buwan na ang nakararaan, natuklasan sa isang lugar sa Eastern Samar ang isang hukay kung saan ibinaon ang mga nabulok na libong sako ng bigas. Ayon sa report, dadalhin na umano ang mga bigas sa mga biktima nang abutan ng ulan at nabasa lahat. Napakairesponsable ng mga taong namahala sa pagdeliber ng mga bigas at food packs na hindi man lamang naisip ingatan ang mga ito. Dapat maparusahan ang mga taong iresponsable. Dahil sa kanila, marami ang nagtiis ng gutom.
Napakabagal naman ng DSWD sa pag-iimbestiga kung sino ang dapat managot sa pagkasira ng mga pagkain. Bakit hindi bilisan ang pag-iimbestiga para maparusahan. Ngayong may mga bagong biktima na naman ng bagyo (Nona) sa Samar, Bicol Region at Oriental Mindoro, maaaring maulit muli ang nangyari sa Yolanda na nabulok ang pagkain dahil sa maling sistema ng DSWD.
- Latest