‘Pinagpipilitang importasyon’
MABUTI naman at tinablan ng kaunting hiya ang mga namumuno sa gobyerno.
Mismong ‘insider’ ng National Food Authority (NFA) ang nagkumpirma sa BITAG nasapol sila sa aking ginawang pagta-lakay noong nakaraang linggo sa BITAG Live.
Ang pamunuan ng NFA, biglang kumambyo. Sa halip na halos isang milyong metrikong toneladang bigas sa unang quarter ng 2016 ang ii-import, 400,000 metric tons nalang daw.
Binawasan na ang dapat sana’y 900 metric tons ng bigas na ayon sa hepe ng NFA na si Renan Dalisay, para daw mapanatili ang presyo sa merkado. Inaasahan na daw kasing mababa ang ani ng mga magsasaka dahil sa El Niño.
Lumalabas mas prayoridad pa ng pamahalaan na mag-angkat nalang ng tone-toneladang bigas kaysa mag-prodyus ang mga pobreng literal na ‘hampas-lupa.’
Ayos lang na palad ng mga dayuhang magsasaka ang magpapakain sa ating sikmura kasi daw, ayon sa ating gobyerno, mas makakatipid.
Kaya sa halip na bigyan ng ayuda ng kasalukuyang administrasyon ang mga magsasaka, inalis pa ang subsidiyang pataba at binhi.
Matinding nararanasang tagtuyot ang isa sa mga dahilang binabanggit ng pamahalaan kung bakit mag-iimport ng bigas.
Isa itong malaking sampal sa mga namumuno. Noon pang nakaraang taon, usap-usapan na ang El Niño. Nauna ng sinabi ng Palasyo, nakahanda ang pamahalaan.
Sa sobrang pagtatakipang ito, nabuking tuloy sila ni Pangulong Noy Aquino. Nakatengga lang pala sa Department of Agriculture (DA) ang inilaan sa kanilang P5 bilyong pondo para sa pagsugpo sa El Ninño.
Kung hindi pa nag-ingay ang mga magsasaka sa Kalinga, Apayao na naunang nakaranas ng malawakang tagtuyot sa kanilang lugar, hindi pa malalaman na ang bilyones na pondo natutulog lang sa ahensya.
Pumalpak ang dalawang ulong inupo sa ahensya kaya ang nagdurusa mga magsasakang kumakalam ngayon ang sikmura.
Patuloy na babantayan ng BITAG Live ang usaping ito.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest