EDITORYAL - Sunud-sunod na sunog
NGAYONG Disyembre, 10 sunog na ang nagaganap sa Metro Manila at mayroong mga namatay. Kahapon, nasunog ang isang residential areas Bgy. Damayang Lagi sa Quezon City at umano’y walo katao ang namatay. Kahapon din, sumiklab ang sunog sa Valenzuela City at may mga nasugatan. Noong Miyerkules, isa ang namatay sa sunog sa Sta. Ana, Manila at isa naman ang nasugatan sa isang sunog sa Ermita, Manila.
Noong nakaraang linggo, nasunog ang mga kabahayan sa kanto ng Quezon Blvd. at Recto malapit sa Manila City Jail. Bagamat walang nasugatan, maraming bahay ang naabo at may 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan. Pawang gawa sa light materials ang mga bahay.
Karaniwang dahilan ng sunog ay ang faulty electrical wiring at mga sumasabog na tangke ng LPG. Mayroon din na dahil sa napabayaang kandila.
Subalit sa nangyaring sunog sa Sta. Ana at Quezon City, may nagsasabing dahil sa mga depektibong Christmas lights nagsimula ang sunog. Ayon sa mga nakasaksi, umusok ang Christmas lights na nakakabit sa plywoood na dingding at iyon ang naging dahilan para magliyab nang tuluyan at kumalat na sa mga katabing bahay na gawa rin sa mahinang klaseng kahoy. Iglap lamang at nilamon ng apoy ang lugar.
Marami nang pangyayari na ang mga nabibiling mumurahin at walang kalidad na Christmas lights ang dahilan ng mga sunog sa Metro Manila kapag panahon ng Kapaskuhan. Ang mga Christmas lights na depektibo ay mabibili sa Divisoria, Carriedo at masaki sa shopping center sa Greenhills.
Ang mga walang kalidad na Christmas lights ang naging dahilan kaya nasunog ang bahay ni dating House Speaker Jose de Venecia na ikinamatay ng kanyang anak na babae.
Paalala ng Department of Trade and Industry (DTI) na bumili lamang ng mga Christmas lights at iba pang pailaw na may ICC markings. Mahigpit ang paalala ng Bureau of Fire Protection na mag-ingat sa sunog ngayong holiday season.
- Latest