EDITORYAL - Dose na kami, maraming salamat!
LABINDALAWANG taon na ang PangMasa (PM). Mahaba-haba na ring panahon ang ating pagsasama mga mahal naming mambabasa. Marami nang pagsubok ang ating naranasan at nalampasan. Dumanas tayo ng malalakas na bagyo, baha, habagat, El Niño, kahirapan, kaguluhan at kung anu-ano pang mga balakid sa buhay. Pero sa kabila niyan, narito pa rin tayo at magkasama. Hindi ninyo kami iniwan. Lagi ninyo kaming inabangan at sinubaybayan. Patuloy ang walang sawa ninyong pagtangkilik. Hindi kayo nagbago sa nasimulan.
Lagi naming tinitingnan ang inyong pagmamahal. Kung wala kayo, wala rin kami rito sa kinaroroonan. Kayo ang naglagay sa amin sa mataas na posisyon. Kung hindi dahil sa inyong pagtangkilik, tiyak na wala kami rito.
Nang ilunsad ang PM, 12 taon na ang nakararaan, maraming tabloid din ang inilabas noon. Nakipagtagisan sa PM. Pero makalipas lamang ang isang taon, unti-unti silang nagsitiklop. Ang PM, nanatiling nakatayo, matibay, matatag at patuloy sa pagbibigay ng mga maiinit at makatotohanang balita, parehas na opinion at komentaryo, nakakaaliw na balitang showbiz, mga kuwento at artikulong nakalilibang at kapana-panabik na pangyayari sa sports.
Kung ano ang aming nasimulan 12 taon na ang nakararaan, iyon pa rin kami ngayon at lalo pang nag-uumigting ang pagnanais na mabigyan kayo ng kasiyahan. Lalo pa kaming inspirado na magdulot ng kasiyahan at kaaliwan sa inyo, mga mahal naming mambabasa. Walang hanggan din ang aming pasasa-lamat sa mga advertisers na patuloy ding naniniwala at sumusuporta sa amin.
Lubos kaming naniniwala na walang hanggan ang ating pagsasama. Malayo pa ang ating lalakbayin patungo sa tuktok ng tagumpay sa larangan ng pamamahayag.
Marami pong salamat sa walang sawa ninyong pagtangkilik.
- Latest