EDITORYAL – Puwede nang bumoto kahit walang ‘bio’
MABUTI naman at agad nagpasya ang Supreme Court sa ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) na “no bio, no boto”. Sinuspinde ng SC ang “no bio, no boto” at dahil dito maaari nang makaboto ang lahat. Hindi na kailangan ang biometrics data ng botante na ayon sa Comelec ay kanilang ipinatutupad para raw mapigilan ang flying voters. Kung hindi nagpasya ang SC, at nagpatuloy ang bagong patakaran ng Comelec, maraming botante ang hindi makakaboto.
Kinatigan ng SC ang mga petitioner kontra sa “no bio, no boto” sapagkat labag ito sa Saligang Batas. Ayon sa Kabataan party-list dahil sa patakarang pinatutupad ng Comelec, mawawalan ng karapatang bomoto ang may tatlong milyong botante dahil wala silang biometrics. Nilalabag umano ng Comelec ang nakasaad sa Article V, Sec. 1 ng 1987 Constitution na wala dapat iimposed o ipakukuhang requirements sa mamamayan para ma-exercised niya ang pagboto.
Bukod sa inihaing petisyon sa “no bio, no boto”, isinampa rin ng Kabataan party-list ang kanilang petisyon sa maagang deadline ng registration ng mga botante. Natapos ang registration noong Oktubre 31 na ayon sa mga petisyoner ay masyadong maaga. Kailangan daw ma-extend hanggang Enero 8, 2016 ang registration. Nakasaad daw sa batas na ihihinto lamang ang registration kung 120 araw (apat na buwan) bago ang election.
Marami palang maling hakbang ang Comelec. Kung hindi pa kumilos ang Kabataan party-list ay magpapatuloy ang pagpapatupad ng kanilang patakaran na lumalabag sa karapatan ng mamamayan. Dapat mabantayan ang Comelec at baka meron pang mga bagong patakaran na ipasusunod. Hindi dapat maging sunud-sunuran sa anumang ipag-uutos.
- Latest