Ang trapik at mga palaboy sa lansangan
Hindi pa rin maalis ang pagkainis ng maraming mga motorista at mga commuters sa naranasang trapik sa malaking bahagi ng lansangan patungo sa Maynila, dahil sa nagaganap na APEC summit.
Ayon sa kanila ok lang na bigyan ng proteksyon at mahigpit na seguridad ang mga dayuhang delegado, pero sana naman daw ay nabigyan din kahit konting pansin o sana ay pinag-aralan ang dulot namang perwisyo sa marami, ng mga isinarang daan.
Bakit daw kailangang linisin ang kahabaan ng Roxas Boulevard at maging ang maglakad dito, eh ipinagbabawal.
Sobra naman daw overacting ito sa panig ng pamahalaan.
Nanggagalaiti rin sa galit ang mga dinampot na palaboy na marahil inakala ng mga ito na kapag sila ay dinampot may magandang lugar na sa kanila na pagdadalhan. Kaya nga ito nagsidami sa lansangan ng Maynila, eh alam nilang pagdadamputin sila at sa akalang may ‘outing’ na inihanda sa kanila ang pamahalaan kaya naman kontodo sama ang mga ito.
Don sila nagkamali, dahil imbes na ‘outing’ , dinala sila sa Boystown. Dito wala muna raw alisan hanggat hindi natatapos ang APEC.
Yun lang pala ang plano, akala pa naman nila may pangmatagalang plano na sa kanila ang pamahalaan na pangako nang sila ay pagkukunin kaya sila nagsisama.
Siguradong pagkatapos ng APEC, palalabasin na ang mga ito para muling kumalat sa lansangan.
Ang linis ng paligid sa lugar na pinagdadausan ng APEC, maging sa mga lugar na dadaanan ng mga delegado.
Pero kung medyo mapapalayo pa sa ruta ang mga ito, madidismaya sila dahil makikita ang itinatagong kabulukan.
Ang nagkalat na mga iskuwater lalu na sa bahagi ng C-3 kung saan ang mga kariton na ginawang bahay ay nakatayo na sa mismong central island.
Ang basura tambak kung saan-saan.
Walang ayos, parang ang pinaganda lang ay ang harap ng bahay dahil sa dumating na mga bisita , habang ang gilid at likod ng bakuran ay nandoon ang tanawing masakit sa mata, masakit pa sa pakiramdam dahil tanda ng kahirapan.
- Latest