EDITORYAL – Umaalingasaw sa baho ang NBP
KARI-RAID lamang sa New Bilibid Prisons (NBP) noong nakaraang buwan kung saan nakakuha nang maraming baril at bala. Bago iyon, nagsagawa na rin ng pagsalakay doon noong Disyembre 2014. Noong Miyerkules, muli na namang sinalakay at nakamamangha ang nadiskubre sapagkat sangkaterbang baril, bala at iba pang matatalas na bagay ang nakuha. Sa dami ng baril, maikakategorya na itong armory. Sabi nga ng NBP official, tatalunin pa sila sa dami ng baril.
Hinalughog ang tatlong gusali sa maximum security at tumambad ang mga baril na nakabaon sa suwelo --- M-16 armalite, shotgun, kalibre .45, at 9mm pistol. Bukod sa mga baril at patalim, nakakumpiska rin ng mga drug paraphernalias, sex toys, balumbon ng pera at marami pang iba. Tiyak na marami pang nakatagong baril sa loob ng mga gusali at hindi nakita. Baka mas marami pa ang nakatago kaysa nakumpiska. Nararapat magsagawa pa ng paghalughog ang mga awtoridad para matiyak na wala nang mga armas at bala.
Ngayon ay marami na naman ang nagtatanong kung paaano naipasok sa loob ang mga matataas na kalibre ng baril. Paano nailusot ang mga ito?
Hindi na dapat pang itanong, sagad na sa korapsiyon ang ginagawa ng mga prison guard. Ang mga guard na ito ang natatapalan ng pera para maipasok ang mga armas. Basta may pera, magagawa ang lahat para maipasok ang anumang magustuhan: Jacuzzi, king-size bed, bathtub, aircon, ref, alak, cell phones, gadgets, pera at droga.
Ang nararapat gawin ni Justice Secretary Caguioa ay sibakin lahat ang prison guard at palitan ng mga matitino. Mas maganda kung mga sundalo na ang bantay para walang problema. Kung hindi papalitan ang mga corrupt na guard, darami pa ang baril sa armory ng NBP at tatalunin na nga ang mga guard ng Bilibid.
- Latest