Synthetic DNA sa painting
SA larangan ng sining, talamak din ang mga pandaraya, pangongopya at pagnanakaw. Kaya kadalasan, kailangan pang mag-apply ng copyright ang mga artist para matiyak na walang basta makakakopya ng kanyang obra. Iyon bang palalabasin ng isang mandaraya na kanya ang obra na hindi naman talaga siya ang lumikha.
Parang kaso ng isang batang estudyante ng isang kilalang malaking pamantasan na nanalo sa isang pandaigdigang patimpalak sa potograpiya, may ilang taon na ang nakararaan. Natuklasan ang pandaraya nang pumalag ang orihinal na litratistang may kuha ng naturang litrato makaraang mabasa niya ang balita hinggil sa pagkapanalo ng naturang estudyante. Umamin ang bata na sa internet niya nakuha ang litratong isinali niya sa timpalak na dahilan para bawiin ng organizer nito ang kanyang napanalunan.
Pero, bukod sa pangalan, pirma at copyright, ano pa ba ang puwedeng proteksyon sa mga obra ng mga artist tulad ng sa mga painting, sculpture, nobela, kuwento, tula at iba pa?
Sa ibang bansa, meron nang ineeksperimento na bukod sa pirma ng isang artist ay magkakabit din ng synthetic DNA sa kanyang obra.
Ayon sa isang ulat, ineeksperimento sa kasalukuyan sa Global Center for Innovation ng State University of New York ang isang technological solution na gumagamit ng synthetic DNA bukod pa sa kakaibang pirma ng artist. Hindi umano basta-basta makikita sa painting halimbawa ang synthetic DNA at hindi makakasira sa obra. Makakatiyak din ang sino man na orihinal ang binibili niyang painting halimbawa. Gayunman, tinitignan din ng mga researcher kung paanong hindi madadaya ng mga forger o hacker ang DNA.
Medyo may kamahalan nga lang ang tinatayang halagang $150 para sa synthetic DNA na yan. Halos P7,000 rin sa sarili nating pera batay sa kasalukuyang exchange rate. Pero tiyak namang magiging protektado ang obra ng artist kung sakaling magtagumpay ang eksperimentong yan sa synthetic DNA.
- Latest