Uso na naman ang mga paruparo at hunyango
NALALAPIT na ang 2016 presidential elections at ang pinaka-hudyat dito ay ang pagkilos na ng mga pulitiko sa bansa.
Tulad ng dati, muling nangingibabaw ang pansariling interes ng mga pulitiko. Nais ng mga ito na mapanatili sa kapangyarihan kaya naman kanya-kanyang diskarte na ng lipatan ng partido at pagkapit sa mga malalakas na kandidato na parang mga hunyango at paruparo.
Sa pinakabagong kaganapan sa pulitika, nasa mahigit 200 pulitiko ang umanib na sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) na ang ilan ay mula sa Liberal Party.
Ang NPC ang pangalawang pinakamalaking partido sa bansa at ito ang inaasahang tutulong sa kandidatura ni Sen. Grace Poe sa 2016 presidential elections.
Malaki ang paniniwala ng ilang pulitiko na may tsansa si Poe na manalo dahil nangunguna ito sa mga survey.
Lumilitaw na wala talagang matinong partido sa bansa at maari itong talikuran at lumipat sa iba.
Nais kasing protektahan ng mga pulitiko ang kanilang interes at kung makakasama nga naman sila sa partidong nagpanalo sa isang presidente ay tiyak na may malaking pakinabang sila.
Bagamat independent candidate si Poe ay susuportahan daw ito ng NPC at asahan na maraming kasapi ng nasabing partido ang makakakopo ng mga mahahalagang posisyon sa gobyerno.
Kaya sumatutal ay alam na natin ang magiging eksena ng susunod na administrasyon. Magbabago lang ang mga pangalan o taong mamumuno sa mga ahensiya pero nandyan pa rin ang lumang sistema na magpapalugmok sa bansa sa kahirapan.
Sana ay magkaroon ng batas na puwedeng tawaging Hunyango at Paruparo Law na magbabawal sa mga pulitiko na basta-basta lilipat ng partido.
- Latest