‘Lundag ng lundag na parang luksong tinik’
HINDI PA MAN KUMPLETO ang apat na pader unti-unti nang gumuguho ito, tulad ng isang pangarap na iyong inakala na hawak mo na hindi pala.
“Isang buwan na lang daw ang itatagal namin at kailangan na naming umalis sa lugar. Hindi namin alam kung saan kami pupulutin,” sabi ni Robelyn.
Naitampok sa aming pitak ang tungkol sa kasong ‘Unlawful Detainer’ na isinampa laban kay Robelyn Erdao at pinamagatan namin itong ‘Inihaw sa sariling baga’.
Ang naghabla sa kanya noong Agosto 2014 ay ang Engineer na si Rolenda Anacan.
Sa isang pagbabaliktanaw sa kwentong ito, taong 2006 nang marelocate sa Antipolo sina Robelyn.
Pagkalipas ng anim na taon inalok umano siyang bumili ng lupa ni Engineer Rolenda Anacan. May lawak itong 29 sqm. Nabili na daw kasi ni Rolenda ang lupa sa Jetsan Enterprises Association.
Hulugan ito at nagkasundong tatlong hati niyang babayaran ang halagang Php150,000.
“Kasambahay ako nun, dahil wala akong ganung kalaking pera pinautang ako ng amo ko. Lagi na din kasi akong kinukulit ni Rolenda tungkol sa ibinebenta niyang lupa,” salaysay ni Robelyn.
Unang bayad niya ay Php25,000 at sumunod naman ay Php35,000. Nagbigay si Rolenda ng ‘Contract to Sell’ para magamit na ni Robelyn ang lupa at masimulan na ang paggawa ng bahay.
Isang araw may dumating na caretaker at nagtanong sa kanya kung bakit siya bumibili ng lupa gayung hindi naman si Rolenda ang tunay na may-ari.
“Nung simula hindi ko pinakinggan. Ipinatawag na lang ako ni Buenvenido Dimson ang tunay umano na may-ari ng lupa. Ipinakita niya sa ‘kin lahat ng dokumento,” pahayag ni Robelyn.
Kung magpapatuloy daw sa pagbabayad si Robelyn kay Rolenda ay kakasuhan siya ni Mr. Dimson. Ipinatawag din nito si Rolenda ngunit hindi naman dumating. Pinayuhan siya na kunin ang perang naibayad niya na.
“Hindi pumayag si Rolenda at ipinipilit niyang hindi ibabalik ang lupa dahil binili ko na ito,” ayon kay Robelyn.
Lumapit sa barangay si Robelyn para magreklamo ngunit hindi sila nagka-ayos. Nabigyan siya ng Certificate to File Action (CFA).
Ilang araw ang nakalipas may dumating na lang na tao sa kanyang bahay at sinabing ito daw ang bagong bibili. Pinapaalis sina Robelyn sa lugar dahil hindi daw ito sumunod sa kanilang kasunduan ng pagbili.
Bakit naman daw siya magpapatuloy sa pagbabayad gayun hindi naman si Rolenda ang may-ari ng lupa.
Nitong Setyembre 2015 may dumating na sulat kina Robelyn. Ito ay ‘Notice of Cancellation and Demand for Recission of Contract’ sa kanilang bentahan noong Disyembre 2012 na nabayaran na niya ng Php60,000 at mayroon pa itong balanse na Php90,000.
Lumalabas daw na hindi niya nabayaran ng buo ito sa napagkasunduang panahon. Sa ilalim ng Republic Act No. 6552 Section 4: “If the buyer fails to pay installments due at the expiration of the grace period, the seller may cancel the contract after 39 days from receipt by the buyer of the notice of cancellation or demand for rescission of the contract by notarial act”.
Sa paglipas ng ilan taon at dahil hindi niya natupad ang kanyang obligasyon, ipinapaalam kay Robelyn na ang kanilang ‘Contract to Sell’ ay mapapawalang bisa sa loob ng tatlumpung araw mula ng matanggap nila ang kasulatang ito.
Gagawa din sila ng legal na hakbang upang mapawalang bisa ang kontrata, Recovery of Property with Prayer for Issuance of Temporary Restraining Order and/or Preliminary Mandatory Injunction with Damages sa Regional Trial Court (RTC).
Pirmado ito nina John Anacan at Rolenda Anacan pati ng notary publiko na si Atty. Jose Hernandez Dy sa Marikina.
“Hindi ko alam kung galing na ba ito sa korte. Kailangan na ba talaga naming umalis?” tanong ni Robelyn.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Malinaw naman na gumagawa ng legal na hakbang ang kabilang panig.
Kailangan idaan sa korte ito at sa tamang proseso. Tanging ang korte lamang at ang kagalang-galang na hukom ang magdesisyon dito.
Hinihiling pa lamang ng kabilang panig na magka TRO at Mandatory Injunction at mabawi ang ari-arian, yan ang ipinagdarasal nilang ibigay sa kanila at hindi pa umaaksyon ang hukom, lumulundag na kayo na parang larong luksong tinik.
Paano kung hindi sila pagbigyan sa kanilang gusto?
Sa mga nangyaring ito kay Robelyn hindi kaya mas mabigat ang maaaring kasong maihabla niya kung gugustuhin niya lang dahil siya’y niloko umano ng nagbenta sa kanya ng lupa?
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest















