Lola sa China, binansagang ‘Unicorn Woman’ nang tubuan ng limang pulgadang sungay sa ulo
HINDI makapaniwala ang mga doctor sa nangyari kay Liang Xiuzhen. Tinubuan ito ng limang pulgadang sungay sa gitna ng ulo! Unang pagkakataon na naka-encounter sila ng ganitong problema. Hindi nila maipaliwanag kung bakit nagkaroon ng sungay ang matanda. Ang sungay ng matanda ay walang ipinagkaiba sa sungay ng Unicorn!
Ayon sa anak na lalaki ni Liang, nagsimula ang pagkakaroon ng sungay sa kanyang ina nang may tumubong nunal sa ulo nito, may pito o walong taon na ang nakararaan. Ayon kay Wang Chaojun, idinaing umano ng kanyang ina ang isang malaking nunal na sobra ang kati. Lagi umanong kumakati ang nunal at laging irritable ang kanyang ina.
Ginamot umano nila ang nunal sa pamamagitan ng mga tradisyunal na Chinese medicine at nawala ang pangangati ng nunal.
Subalit, nagulat na lamang sila nang biglang may sumulpot na maliit na sungay sa ulo ng kanyang ina. Hanggang sa aksidenteng maputol ito ng kanyang ina. Pero noong nakaraang Pebrero, napansin nila na ang naputol na sungay ay mabilis ang paglaki. Hanggang sa umabot na sa limang pulgada.
“Nahihirapan na ang aking ina dahil hindi na siya makatulog dahil sa sungay. At lagi nang dumudugo ang sungay. Kaawa-awa ang kalagayan ng aking ina,” sabi ni Wang Chaojun.
Walang maibigay na paliwanag ang mga doctor sa kalagayan ni Liang Xiuzhen.
- Latest