Liham na 108 taon nang nasa loob ng bote, inanod sa Germany
ISANG mensahe na nakapaloob sa isang bote ang inanod sa baybayin ng Germany matapos itapon sa dagat 108 taon na ang nakararaan.
Tinatayang inihagis sa dagat ang bote sa mga taong 1904 hanggang 1906 bago ito natagpuan ng isang babae sa Germany kamakailan lamang.
Nang basahin ang liham na nasa loob ay napag-alamang galing ito sa Marine Biological Association na nakabase sa United Kingdom. Nakalagay rin sa liham na kung maari ay ibalik ito sa kanila ng sinumang nakahanap nito.
Napag-alamang ang mensahe na nasa loob ng bote ay mula kay George Parker Bidder na naging presidente ng nasabing asosasyon. Tinatayang nasa 1,000 mga liham na nasa bote ang kanyang itinapon sa dagat bilang bahagi ng kanyang pag-aaral ukol sa mga alon ng karagatan. Sa pamamagitan ng mga bote ay nadiskubre ni Bidder ang direksyon ng alon ng North Sea na mahalaga para sa mga mangingisda at mga mandaragat.
Ipinadala ng babae sa Germany ang liham sa Marine Biological Association sa UK ang kanyang natagpuan at kinumpirma nga nilang sa samahan nga nila nanggaling ang liham mahigit isang siglo na ang nakakaraan. Sa tanda nitong 108 taon ay sinasabing ang liham na natagpuan sa Germany ang pinakamatandang mensahe na natagpuan sa loob ng isang bote sa kasaysayan.
- Latest