6-anyos na bata sa Indonesia, pating ang paboritong kalaro
SI Enal ay isang Bajau na taga-Sulawesi, Indonesia at katulad ng karamihan sa mga Bajau ay magaling siya sa paglangoy at pagsisid sa karagatan.
Ngunit naiiba ang anim na taong si Enal mula sa kanyang mga kapwa Bajau dahil bukod sa galing sa paglangoy ay may isa siyang kakaibang hilig: ang pakikipaglaro sa mga pating sa tuwing siya ay sumisisid sa ilalim ng dagat.
Sumikat si Enal dahil sa kuhang larawan sa kanya ng photographer na si James Morgan. Ipinakikita kasi sa larawan si Enal na nakasakay sa isang pating habang sumisisid sa karagatan malapit sa baybayin ng Wangi, Indonesia.
Nanirahan si James kasama ang mga Bajau upang idokumento ang kanilang pamumuhay sa dagat sa pamamagitan ng pagkuha sa kanilang mga litrato. Nakuhanan niya ng larawan si Enal nang mapansin niya ang kamangha-manghang pakikipaglaro ng bata sa isang pating na para bang alaga lang niya ito.
Sumikat ang larawan ni Enal kaya naman tinagurian siyang ‘sharkboy’ ng media. Tinanghal din na photo-grapher of the year si James ng isa sa mga pangunahing diyaryo sa United Kingdom dahil sa kuha niyang larawan ni Enal.
Umaasa naman si James na makakatulong ang kanyang pagdodokumento sa buhay ng mga Bajau sa pagpapanatili ng kanilang mga tradisyon na unti-unti nang nawawala.
- Latest