‘Kaakbay mo kami’
KUMAYOD ka man at mag-impok ng maraming pera…dumami man ang iyong mga pag-aari kapag ang isa sa miyembro ng inyong pamilya ang tinamaan ng matinding sakit…simot ang iyong naipon sa pagpapagamot sa kanya.
Hindi na bale ang mahirap at salat sa ilang bagay basta malusog lang ang katawan. Ito ang madalas nating marinig sa ating mga kababayan.
Ang kanilang dahilan kapag may sakit ang isa sa kanila, ang sahod na kanilang pinaghirapan ay napupunta lamang sa pambili ng gamot.
Kung ang mga may naimpok ay may madudukot sa oras na ma-ngailangan paano naman ang ating mga kababayan na sapat lamang sa pang araw-araw na pangangailangan ang kinikita? Karamihan pa nga sa kanila ay kinakapos.
Sa puntong ito laging handa at bukas ang kamay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang alalayan at tulungan ang ating mga kababayan. Walang pinipili ang PCSO na dapat nilang tulungan, lahat ng lumalapit sa kanila basta kompleto lamang ang mga dokumento ay agad na ipinoproseso.
Karamihan sa mga lumalapit sa PCSO ay ang mga may sakit sa bato (Kidney Failure). Isa ito sa pinakamahirap gamutin dahil kapag malala na ang kalagayan mo kailangan mo ng sumailalim sa ‘dialysis’.
Libo ang halaga ang pagpapa-dialysis at kalimitan dalawa hanggang tatlong beses itong isinasagawa sa isang pasyente sa loob ng isang linggo.
Ito ay isang proseso upang tanggalin ang mga dumi sa iyong katawan na hindi na nagagawa ng iyong bato. Kapag hindi ka sumailalim sa ganitong proseso ang duming hindi natatanggal sa iyong katawan ay maaaring maging lason sa buong sistema.
“Mahirap talaga kapag may sakit ka sa bato. Pakiramdam namin hinihintay na lang namin ang aming oras. Kahit ganun lahat ng bagay na pwede naming gawin para humaba ang buhay naming susunggaban talaga namin,” ayon sa isang pasyenteng aming nakapanayam.
Isa ito sa umuubos sa kanilang mga ipon at mga ari-arian na minana pa sa kanilang mga ninuno.
Kumakayod ang kanilang pamilya upang matuloy lamang ang pagpapa-dialysis. Ayon pa sa kanila malaking tulong ang pag-agapay sa kanila ng PCSO dahil nasasagot nito ang ilang ‘session’ ng dialysis.
Maliban daw kasi sa prosesong ito may mga gamot pa silang kailangang bilhin upang bumuti ang kanilang pakiramdam.
Sa pamamagitan ng naibibigay na ‘guarantee letter’ sa kanila ay napapahaba pa ang kanilang buhay. Hiling ng karamihan sa kanila basta’t tuluy-tuloy ang gamutan malaki ang posibilidad na gumaling pa sila o mas lumusog ang kanilang katawan.
Araw-araw na naglilingkod ang PCSO sa ating mga kababayan. Sa ngayon maging sa mga tagong lugar ay nagtatayo na sila ng opisina upang mas mapadali ang pagpoproseso ng mga pasyente sa kanilang kahilingan.
Hindi lamang sa PCSO nagpapasalamat ang mga natutulungang pasyente kundi maging sa mga taong tumatangkilik ng lahat ng mga palaro ng PCSO. Dito nila kinukuha ang pondong nakalaan sa kawang-gawa.
Sa bawat paglaro ninyo 30% nito ay napupunta sa kawanggawa upang matulungan ang ating mga kababayan. May pagkakataon pa kayong manalo at maging milyonaryo.
Hinihikayat namin ang lahat na suportahan at tangkilikin ang lahat ng mga palaro ng PCSO upang mas marami pang matulungang mga may karamdaman sa buong bansa.
Patuloy ang pagtulong ng PCSO sa lahat ng mga nangangailangan at maaari pa rin po kayong makipag-ugnayan sa amin sa anumang katanungan.
Kailangan niyo lamang pong dalhin ang kompletong mga dokumento isa na dito ay ang ‘updated medical abstract’. Siguraduhin niyo lamang na may pirma ito ng doktor at may license number. Original o Certified True Copy ang kailangan ninyong ipasa para hindi na maantala ang pagpoproseso nito.
Sa bawat kahilingan may kanya-kanyang dokumentong kailangan. Sa mga hihingi ng tulong para sa kanilang mga gamot maliban sa medical abstract isa sa kailangan nilang isumite ay ang reseta ng doktor na may pirma at license number din.
Tuluy-tuloy ang pagtulong at pagpapaganda ng PCSO sa kanilang mga proyekto upang mas maabot ang mga kababayan nating nasa malalayong lugar. Nitong taon lamang pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ang PCSO at Philhealth upang mas mapaganda ang kanilang pagseserbisyo sa ating mga kababayan sa ilalim ng Individual Medical Assistance Program (IMAP).
Marami pang proyektong inihahanda ngayon ang PCSO para mabigyan ng tulong medical ang ating mga kababayan lalo na ang mga salat sa buhay at hindi kaya ang gastusin sa pagpapagamot.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest