Paano inokray ni Columbus ang Jamaican natives?
SA ikaapat na paglalayag ni Christopher Columbus noong 1503 nagkaroon sila ng problema sa kanilang barko. Nagkataong tumigil ang barko malapit sa Jamaica. Napilitan siyang makiusap sa mga pinuno ng tribo na kung maaari ay patuluyin muna siya at mga 140 tauhan nito kahit sandali lamang.
Hindi kaagad nakasaklolo ang Espanya sa grupo ni Columbus kaya’t inabot ang grupo ng anim na buwang pagtambay sa Jamaica. Noong kararating pa lang nila, dalawang kamay silang tinanggap ng buong komunidad. Tulong-tulong nilang pinapakain ang grupo ni Columbus ng kamoteng kahoy, mais at isda. Bilang ganti, binibigyan ni Columbus ang mga katutubo ng pito o silbato, laruan, pulseras, kuwintas at iba pang aksesorya.
Dumating sa punto na napagod na ang mga katutubo sa paghahanap ng pagkain para sa kanilang mga bisita. Naisip din nila na mababang uri ng alahas at walang kuwentang laruan ang ipinamigay sa kanila ni Columbus.
Sa kabilang dako, ang ibang tauhan ni Columbus ay nainip na sa kahihintay kaya’t ang iba ay nagrebelde. Ninakawan nila ang mga katutubo na kung minsan ay humahantong sa pagpatay sa mga ito. Dumating na sa puntong inihinto ng mga katutubo ang pagpapakain sa grupo ni Columbus. Lahat ng tao kasama ang mga pinuno ay nagprotesta at pilit na silang pinalalayas sa kanilang isla. Binigyan sila ng palugit na ilang araw para lisanin ang isla. Kung hindi, maghahalo ang balat sa tinalupan, banta ng pinuno. Di hamak na mas marami ang katutubo kaysa kanila. Kinabahan si Columbus. Pero paano sila aalis gayong sira ang barko?
Tuwing maglalakbay si Columbus, binibitbit niya ang kanyang libro, ang Regiomontanus Almanac. Ito ay naglalaman ng astromical table kung saan mababasa ang iskedyul ng full moon, total eclipse at moonrise. Isang gabing binabasa niya ang libro, nalaman niyang tatlong araw mula sa araw na iyon ay may nakatakdang total eclipse.
Nakipagmiting si Columbus sa mga pinuno at mga katutubo. Ipinaalam niya ang isang mahalagang balita. “Nais kong ipaalam sa inyo na ang Diyos naming mga Kristiyano ay nagalit sa inyo dahil hindi na ninyo pinapakain kaming mga anak niya. Upang ipakita ng aming Diyos ang galit sa inyo, sa ikatlong gabi mula ngayon, magpapakita ang buwan, biglang mawawala at pagkatapos ay magbabaga ang kalangitan at uulan ng apoy.”
Kaso pinagtawanan lang si Columbus at sinabing imposibleng mangyari ang mga sinabi nito. Pagsapit ng ikatlong gabi, February 29, 1504, nangyari ang total eclipse. Noong una ay maliwanag ang full moon hanggang sa ito ay naging kulay pula. Nagsigawan ang mga tao. Naalaala nila na ang kasunod noon ay pag-ulan ng apoy. Ang pinuno ng tribu ay nakiusap kay Columbus na sabihan ang Diyos ng mga Kristiyano na huwag ituloy ang pagpapaulan ng apoy. Sa sobrang takot ay napasumpa ito:“Sumusumpa ako sa inyong Diyos, bibigyan namin kayo ng pagkain hanggang sa maayos ang inyong barko”
Pumasok si Columbus sa kuwarto upang kunwari ay makikipagmiting sa kanyang Diyos. Tinantiya niya na paglabas sa kuwarto ay muling babalik sa normal ang buwan. Lumabas siya sa kuwarto at nagwika: Hayan ibinalik na ng Diyos sa normal ang buwan. Hindi na uulan ng apoy.
Pagkaraan ng isang oras, makikitang kumakain ng masaganang hapunan ang grupo ni Columbus.
- Latest